195 total views
Nanawagan ang Prelatura ng Infanta ng pagkakaisa at ibayong pagtutulungan sa pagitan ng iba’t-ibang mga diyosesis at institusyon ng simbahang katolika lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Rev. Fr. Israel Gabriel, Social Action director ng Prelatura ng Infanta sa lalawigan ng Aurora, kailangan paigtingin ang pagtutulungan ng mga sangay ng Simbahan para mas maging epektibo ang pagtugon sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Aminado si Fr. Gabriel na 90 porsyento ng mga munisipalidad sa lalawigan ng Aurora ay lantad sa pinsala na maaring idulot ng mga dumaraan na bagyo dahilan upang maging suliranin ang komunikasyon at maagap na pagtugon.
Umaasa ang pari na kung ang pagtutulungan ay hindi lamang sa loob ng isang diyosesis isasagawa, ay mas magiging mabilis at epektibo ang kanilang pagkilos.
“Ang ganda siguro ng tulungan ng mga magkakalapit na Dioceses, isa yun sa mga pinapangarap ko. napakahalaga yun pagtulong ng ibang dioceses and I think yun ma-tap ng simbahan at mapag ugnay-ugnay ang lahat ng Dioceses especially yung mga magkakatabi,” pahayag ni Fr. Gabriel sa panayam ng Radio Veritas.
Labis naman ang pasasalamat ni Fr. Gabriel sa ginagawang ugnayan ng iba’t-ibang institusyon ng Simbahan sa oras ng kalamidad.
Aniya, malaki ang naitulong nito lalo na nang maganap ang pananalasa ng bagyong Lando noong taong 2015 kung saan malaking bahagi ng lalawigan ng Aurora ang naapektuhan.
“Kasi pa minsan-minsan caught up na kami sa aming sitwasyon pero kapag tumatawag kayo [Veritas846] parang gumagaan, kasi mayroon tayong mga ka-partner sa labas na hindi tayo pinababayaan.”pahayag ni Father Gabriel sa Radio Veritas.
Ang prelatura ng Infanta ay kabilang sa mga diyosesis na nais tipunin ng Caritas Manila, NASSA-Caritas Philippines at Radyo Veritas bilang bahagi ng programang “Oplan Damayan” o ang pagtutulungan ng mga diyosesis sa silangan bahagi ng bansa na madalas makaranas ng mapaminsalang kalamidad.
Magugunitang kada taon ay umaabot sa halos 20 bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility.