378 total views
Sinisiyasat ng Diocese of Tagum ang nangyaring pagdakip sa 75 delegado ng National Solidarity Mission sa Talaingod, Davao del Norte.
Sa mensaheng ipinaabot ni Bishop Medel Aseo, Obispo ng Diocese of Tagum, kay Father Levi Mantica, sinabi nitong nais tukuyin ng simbahan ang pinag-ugatan ng nangyaring pagdakip at pag-detain sa National Solidarity Mission team.
Ayon kay Father Mantica, sa kasalukuyan ay nananatili sa Talaingod ang Parish Priest na si Fr. Melvin de la Cuesta ng Sto. Niño Parish-Talaingod upang alamin ang mga nangyari.
Maglalabas ng opisyal na pahayag ang Diyosesis pagkatapos ng kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Nangako din ang Diyosesis na nakahanda itong tumulong sa oras na matukoy ang partikular na sitwasyon at pangangailangan ng mga hinuling delegado ng National Solidarity Mission.
Sa inisyal na ulat mula mismo sa ilang miyembro ng National Solidarity Mission team, sinabi nitong kabilang sa mga dinakip ng Talaingod-PNP ay mga estudyanteng lumad, mga guro, kinatawan ng simbahan at kasama din dito si ACT Teachers Partylist Representative France Castro at dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo.
Samantala, sa pamamagitan naman ng Radyo Veritas ay nagpahayag ng panawagan si Kerlan Fanagel, pinuno ng PASAKA Confederation of Lumad Organizations in Southern Mindanao sa simbahan at sa lahat ng sektor ng lipunan na maging mapagmatyag sa mga ganitong insidente lalo na sa bahagi ng Mindanao.
Umaapela din ng tulong si Fanagel sa Simbahan upang agad na mapalaya at makapagpatuloy sa pag-aaral ang mga estudyanteng lumad.
“Ang ating panawagan ngayon sa lahat ng mga sektor sa mga taong simbahan, kay Bishop Pabillo at kay Cardinal Tagle nananawagan po kami at sa iba pang mga Bishops ng mga simbahan tulungan po ang ating mga kapatid na lumad, mga kabataang estudyante na ngayon ay dine-deny ang kanilang karapatan sa edukasyon at ang mga lumad schools ay sapilitang ipinasara,” pahayag ni Fanagel sa Radyo Veritas.