552 total views
Dumalaw ang replika ng Poong Hesus Nazareno sa Pandiyosesanong Dambana ng Nuestra Señora dela Soledad de Porta Vaga sa Parokya ng San Roque, Cavite City, lalawigan ng Cavite.
Ayon kay Rev. Fr. Dominador “Domeng” Medina, rektor ng dambana na napakahalaga ng pagdalaw ng Poong Hesus Nazareno sa dambana at lalawigan dahil hindi na kailangan pang pumunta Ang mga tao sa simbahan ng Quiapo upang makipagsiksikan lalo’t mayroong panganib dulot ng coronavirus.
Inihayag ng pari na ang pagdalaw ng imahen ng Nazareno sa dambana ng Porta Vaga ay nagdulot sa mga mananampalataya ng biyaya mula sa Panginoon na maari nilang ibahagi sa kapwa.
Sinabi ni Fr. Medina na nais ding iparating ng pagdalaw na ito na ang pagsunod sa landas at paghihirap ng Panginoon ang daan upang makarating sa langit at matanggap ang lubos na biyaya ng Diyos.
“Napakalaking bagay nito, unang una hindi na sila pupunta ng Quiapo. Ikalawa, natutukan namin yung focus ng parokya kaugnay ng Nazareno. Halimbawa, sa halip na kayo ay naparito para sumahod ng grasya, happy to receive and happy to share, yun ang prinsipyo and then pangatlo, sumunod ka sa akin. Paano ba ang pagsunod sa kanya? Sabi Niya, sumunod kayo sa akin habang pasan ninyo ang inyong krus, ang inyong kapwa… And the way to the Father, the way to heaven is the way of the cross,” ayon kay Fr. Medina sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, dalangin naman ni Rony Herez, pangulo ng mga deboto mula sa lungsod ng Trece Martirez Cavite sa Poong Hesus Nazareno ang kagalingan ng lahat at ang paghupa ng pandemya.
Ikinalungkot ng mga kapwa deboto ni Herez na walang magaganap na traslacion ng imahen ng Poong Nazareno ngayong taon dahil sa pag-iingat laban sa virus.
Ngunit sa kabila ng banta ng COVID-19, sinabi ni Herez na pupunta pa rin ito sa simbahan ng Quiapo bilang panata upang masilayan ang Poong Hesus Nazareno.
Kaalinsabay nito, dumalaw din ang replica ng Poong Hesus Nazareno sa Manila City hall.
Ang pagdalaw ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa lalawigan ng Cavite ay bahagi ng isinasagawa ng Minor Basilica of the Black Nazarene ngayong taon na localized traslacion 2021 sa iba’t ibang simbahan sa Metro Manila at maging sa iba’t-ibang lalawigan upang magsagawa ng nobenaryo at mga misa para sa kapistahan nito.