229 total views
Makahulugan at makasaysayan ang pagdalaw ng Kaniyang Kabanalan Francisco sa United Arab Emirates.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Troadio De Los Santos, OFM Cap. ang Vicar General ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) sa kauna-unahang pagdalaw ng pinunong pastol ng Simbahang Katolika sa Arabian Peninsula.
Aniya, pinatotohanan sa pagbisita ng Santo Papa sa UAE na patuloy kumikilos ang Simbahan sa buong mundo at bukas sa pakikipagkapwa maging sa iba man ang pananampalataya.
“Ang pagbisita ni Pope Francis sa Abu Dhabi will be a historical moment para sa ating simbahan. Ang kanyang pagbisita ay magbibigay ng patotoo sa lahat ng mga tao sa mundo na buhay ang Simbahang Katoliko dito sa Arabian Peninsula,” pahayag ni Fr. De Los Santos sa Radio Veritas.
Inihalintulad pa ng Pari sa Oasis sa disyerto ang nasabing pagdalaw dahil hatid nito ang mensahe ng kapayapaan para sa mamamayan ng UAE na lugar ng mga Muslim alinsunod sa tema na “Make me a Channel of Peace.”
Ipinaliwanag ng Vicar General ng AVOSA na ang pagdalaw ay magpapasigla sa pananampalataya ng mga Katolikong dayuhan sa Arabian Peninsula at upang alamin ang kalagayan ng bawat mananampalataya para lalong masigasig ang pananalig sa Panginoon.
“Ito rin ay magbibigay ng pag-asa, magbibigay ng sigla sa mga mananampalataya dahil ang pagdating ng Papa ay nagpapahayag ng mahalaga tayong lahat sa Santo Papa,” ani ni Fr. De Los Santos.
COINCIDENCE
Ibinahagi rin ni Fr. De Los Santos na magandang pagkakataon din ang pagbisita ni Pope Francis sa Arabia sapagkat gugunitain ngayong taon 2019 ang ika – 800 taon ng kauna-unahang pagtatagpo ng isang Kristiyano at Muslim.
“Itong 2019 ay 800 anniversary ng pagdalaw, pagpunta ni San Francisco ng Assisi sa Sultan ng Egypt na si Sultan Malik Al-Kamil hindi upang i-convert kundi makipag-dialogue at sila’y naging maging magkaibigan at yun ang kauna-unahang pagtatagpo ng isang Kristiyano at ng isang Muslim na hindi nag-aaway,” paglalahad ng Pari.
Tugma din ang pagdating ng Santo Papa lalo’t ang pangalan nito ay isinunod kay San Francisco ng Assisi at kauna-unahang Santo Papa na bumisita sa Arabian Peninsula na tulad ng Santo ay hatid din ang kapayapaan sa lugar.
Dahil dito, hinimok ni Fr. De Los Santos ang mga Katoliko sa UAE lalo na ang mga Filipino na taglayin ang espiritu ng kapayapaan at pag-uunawaan sa bawat nakakasalamuha sa bansa.
Hamon pa nito sa mga migrante na maging buhay na saksi sa katotohanang ipinahahayag ni Hesus ang pag-ibig sa kapwa at pakipamuhay ng mapayapa sa pamayanan sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw at pananampalataya.
Umaasa ang Pari na kumintal sa puso ng bawat dadalo sa pagtitipon na kasama ang Santo Papa ang bawat aral na ibabahagi nito.
“Nawa ang pagdalaw ng Santo Papa ay mag-iwan sa atin ng sigla upang lalo nating isabuhay ang ating pananampalatayang Kristiyano Katoliko,” ani ni Fr. De Los Santos.
MGA PAGHAHANDA
Nagpasalamat ang AVOSA sa pamahalaan ng United Arab Emirates na nangunguna sa paghahandang pisikal sa pagbisita ni Pope Francis sapagkat maiksing panahon ang nailaan dito dahil Disyembre ng nakalipas na taon kinumpirma ng Vatican ang pagdating ng Santo Papa sa Arabian Peninsula.
Sa panig ng Simbahan naman ay pinaghahandaan ang nakatakdang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa ikalima ng Pebrero na gaganapin sa Zayed Sports City sa Abu Dhabi kung saan inaasahang dadalo ang halos 135, 000 mga Katoliko na karamihan ay mga Filipino at mga taga – India.
Agad rin nagtalaga si Vicar Apostolic of Southern Arabia Bishop Paul Hinder ng iba’t ibang komite na pinamumunuan ng mga Pari at Madre para sa komunikasyon, media, registration sa Papal Mass, Liturgy, Logistics at ang mangangasiwa sa lugar na pagdausan ng Banal na Misa.
Ang gobyerno rin ng UAE ang naghanda sa mga tiket sa Papal Mass, libreng transportasyon at libreng tubig para sa mga dadalo sa Misa.
Bibisita si Pope Francis sa Abu Dhabi sa ikatlo hanggang ikalima ng Pebrero alinsunod sa paanyaya ni Abu Dhabi Crown Prince His Highness Sheikh Mohammed bin Zayed Al Nahyan para sa “International Interfaith Meeting on Human Fraternity”.
Batay sa tala sa mahigit sampung milyong OFW sa buong daigdig, halos pitong daang libo dito ay nasa United Arab Emirates na halos 80 porsyento ay nagtatrabaho at naninirahan sa Dubai.