603 total views
Muling sinuspendi ng Archdiocese of Jaro ang pagsasagawa ng mga pampublikong banal na misa sa buong arkidiyosesis kasunod ng pagdideklara ng Enhanced Community Quarantine status sa Iloilo City at sa buong lalawigan.
Ayon sa pamunuan ng arkidiyosesis, epektibo ngayong araw ika-17 ng Hulyo ay pansamantala munang ititigil ang pagsasagawa ng mga pampublikong banal na liturhiya sa lahat ng mga parokya sa buong syudad at probinsya ng Iloilo bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 virus.
Tiniyak naman ng Archdiocese of Jaro ang patuloy na pananalangin para sa kaligtasan at kapakanan ng bawat isa mula sa patuloy na banta ng COVID-19.
“The Archdiocese of Jaro suspends all public liturgical celebrations in all parishes in the province and city of Iloilo beginning tomorrow, July 17, 2021, until further notice due to the elevation of both Iloilo City and Iloilo Province to Enhanced Community Quarantine status. We continue to pray for the protection of everyone from the continuing scare of the COVID-19 transmission in our communities and in the region.” Ang bahagi ng anunsyo ng Archdiocese of Jaro.
Kaugnay nito, muling isinapubliko ng Archdiocese of Jaro ang mga alituntunin ng arkidiyosesis bilang pagpapaalala sa mahigpit na pagtugon sa mga ipinatutupad na pag-iingat ngayong panahon ng pandemya.
Bagamat muling ipinagbabawal ang pagdalo sa mga banal na liturhiya ng mga mananampalataya ay patuloy namang magsasagawa ng mga banal na misa ang mga Pari habang inaanyayahan ang mga mananampalataya na makibahagi sa pamamagitan ng pagsubaybay sa online livestreaming ng mga ito.
Hinihikayat rin ng arkidiyosesis ang bawat mananampalataya na gamiting isang pagkakataon ang kasalukuyang sitwasyon sa probinsya upang magkaisa ang lahat sa pananalangin ng Santo Rosaryo, Oratio Imperata laban sa COVID-19 at debosyon kay San Roque upang ipag-adya ang lahat at tuluyan ng mawakasan ang pagkalat ng nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Lilimitahan rin ang mga maaring makadalo sa pagdiriwang ng mga sakramento ng binyag at kasal, maging ang misa para sa mga yumao upang maiwasan ang pagtitipon na pinangangambahang maging dahilan ng pagkalat ng virus.