201 total views
Itinuturing na isang biyaya ni National Shrine and Parish of St. Padre Pio Rector Rev. Fr. Joselin “Jojo” Gonda ang pagsasagawa ng ikatlong araw ng 4th World Apostolic Congress on Mercy sa Pambansang Dambana ni Santo Padre Pio sa Sto. Tomas Batangas.
Ayon sa Pari, isang pambihirang biyaya ang pagsasagawa ng WACOM4 hindi lamang sa kanilang parokya kundi maging sa buong Arkideyosesis ng Lipa, Batangas na mayroong aabot sa 1.9 na milyong mga Katoliko.
“napakalaking biyaya nito para sa amin dito sa National Shrine of St. Padre Pio hindi lang para sa National Shrine of St. Padre Pio kundi para din sa buong Archdiocese of Lipa kasi ngayon lang merong naganap na isang international event at ang event na ito pa ay tungkol sa mabathalang awa ng Diyos..” pahayag ni Fr. Gonda sa panayam sa Radyo Veritas.
Sa temang ‘Remembering and Celebrating the Mercy of God as a Forgiven and Forgiving Community’ tumutok ang ikatlong araw ng WACOM4 sa kahalagahan ng Sakramento ng Kumpisal sa pagkamit ng Banal na Awa ng Panginoon kung saan nasa 200 mga Pari mula sa loob at labas ng Archdiocese of Lipa ang nagkaloob ng Sakramento ng Kumpisal sa mga delegado. Ayon kay Fr. Gonda, isa sa pinakamahalagang pagpapakita ng Banal na Habag at Awa ng Diyos ay ang kanyang pagpapatawad na makakamit lamang sa pamamagitan ng kusang pagtanggap at pag-amin sa pagkakamaling nagawa sa buhay. Batay sa tala ng pamunuan ng National Shrine and Parish of St. Padre Pio, mahigit-kumulang sa 10,000 ang mga delegadong dumalo sa ikatlong araw ng WACOM4 kabilang na ang mga lokal na delegado mula mismo sa Archdiocese of Lipa, Batangas.