751 total views
Malaki ang kaugnayan ang debosyon kay Maria sa pangangalaga ng kalikasan.
Ito ang ibinahagi ni Order of Friars Minor definitor Fr. Cris Pine, kaugnay sa pagdiriwang sa kaarawan ni Maria na nakapaloob sa Season of Creation.
Ayon kay Fr. Pine, nabanggit sa ensiklikal na Laudato Si’ ng Kanyang Kabanalan Francisco ang tungkulin ni Maria bilang Reyna ng sangnilikha bukod sa pagiging ina ng Panginoong Hesus.
Paliwanag ng pari na ang pagturing sa ina ng Panginoon bilang Reyna ay nangangahulugan ng pagiging lingkod na handang tumugon sa panawagan ng Diyos, at kabilang na rito ang pagiging tagapangalaga ng kalikasan.
“‘Yung translation kasi sa english from Laudato Si’ paragraph 241 ay Mary, Queen of All Creation. Pero minsan nami-misunderstand natin ‘yung ganung kataga na “reyna”, parang siya ang utos nang utos at tayo ay tagasunod… ‘Yung kanyang pagiging reyna ay paglilingkod sa sangkatauhan at bilang bahagi ng buong sangkalikasan,” pahayag ni Fr. Pine sa panayam ng Radio Veritas.
Nagbigay naman ito ng inspirasyon sa pagpapagawa ni Fr. Pine ng painting o lawaran ni Maria na may titulong “Maria, Reynang-Lingkod ng Sangkalikasan” na likha ni Dominic Escobar mula sa Zamboanga del Sur.
Naganap ang unveiling ng larawan noong August 27 kasabay ng canonical erection ng KASAMA Inserted Community sa Baesa, Quezon City na pinamamahalaan ni Fr. Pine kasama ang iba pang Franciscan Missionaries.
“Sana ay lalo nating maisulong ang ating debosyon at syempre ‘yung hamon ng ecological conversion, kaya parang devotion and advocacy. ‘Yan ang ating panawagan,” saad ni Fr. Pine.
Panalangin kay Maria, Reynang-Lingkod ng Sangkalikasan
Ikaw na nadaramtan ng liwanag ng araw,
gabay sa kaayusan ng sangkalupaan.
Ikaw na nakatayo sa kagandahan ng buwan,
ikaw na may koronang labindalawang bituin,
ikaw rin ang tala sa gitna ng malawak na karagatan,
salamin ng liwanag sa gitna ng dilim.
Ikaw, O aming Reyna, na maluwalhating inaakyat sa langit
sa pagitan ng mga ulap at banayad na hangin.
O Inang Maria, Reynang mapagkalinga,
kalakip ng aming panatang aayusin ang
aming ugnayan sa inang kalikasang kaloob ng Diyos,
Isinasamo namin na pakibulong mo po
sa Iyong mapagmahal na Anak ang aming kahilingan…
Maria, Reynang-Lingkod ng Sangkalikasan,
ipanalangin mo po kami!