358 total views
Makatutulong sa paglago ng pananampalataya ang pagdedebosyon.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Edgar Tubio, OAR sa matagumpay na Traslacion ng Mahal na Poong Hesus Nazareno noong ika-9 ng Enero.
Ayon kay Fr. Tubio, kura paroko ng Minor Basilica de San Sebastian naipakikita ng mga deboto ang pananalig at pananampalataya sa Panginoon sa pagdalo at pakikiisa sa Traslacion.
“Malaking maitulong sa paglago ng ating pananampalataya [ang pagdedebosyon] at expression ito na nagpapakita na tayo ay nanalig at nanampalataya sa Diyos,” pahayag ni Fr. Tubio sa Radio Veritas.
Paliwanag pa ng pari ang pakikilahok ng mga deboto sa Traslacion ay nagpapakita ng masidhing pananampalataya at isang magandang pagkakataon upang maipakita ng tao ang tunay at wagas na pagdedebosyon kay Hesukristo at sa Mahal na Birheng Maria.
Higit ding napapalalim ng tao ang ugnayan sa Panginoon sa tulong ng debosyon at pagsunod sa mga gawain ni Hesukristo na dapat tularan ng tao.
Bukod sa Traslacion ay kinasasabikan din ng mga deboto ang Dungaw na ginagawa sa Basilica de San Sebastian del Carmen dahil dito nararamdaman ng mga mananampalataya ang pagmamahal ng isang Ina sa kaniyang anak.
RELIGIOUS COURTESY
Nilinaw ni Fr. Rubia na ang Dungaw ay hindi pagsasadula sa isang kaganapan sa Bibliya kung saan sinalubong ng Mahal na Birheng Maria si Hesus habang naglalakbay patungong kalbaryo pasan ang Krus.
Paliwanag ni Fr. Rubia na ang Dungaw ay isang religious courtesy sa mga ipinuprusisyong imahe tuwing kapistahan.
Binigyang diin ng Pari na ang Dungaw ay isang tradisyong namana mula sa bansang Espanya at isinasagawa rin sa Pilipinas partikular sa mga lalawigan tulad ng Quezon, Cebu at Bohol.
Ang Dungaw ay ang paglabas sa mga bintana ang processional image na hindi kabilang sa mga ipinaparada subalit nadadaanan ng prusisyon.
Ito ay bilang pagbibigay pugay sa mga imaheng ipinuprusisyon tulad ng nakagawiang Dungaw kung saan inilalabas ng Basilica ng San Sebastian ang imahe ng Mahal na Birhen ng Carmelo habang nakahinto ang andas ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Paglilinaw ni Fr. Rubia na ang pagsasadula sa isang tagpo sa Bibliya ay tinatawag na Encuentro kung saan ang inilalabas ng Simbahan sa pagdaan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa Plaza del Carmen ay ang imahe naman ng Birhen ng Dolorosa.
Sinaksihan ng mahigit sa kalahating milyong deboto ang Dungaw ngayong taon kung saan nagkaisa ang mga deboto sa pag-alay ng mga panalangin at pag-awit ng Panalangin na itinuro ng Diyos Ama sa sangkatauhan ang “Ama Namin”.
Batay sa inisyal na taya ng Philippine National Police, mahigit sa apat na milyong deboto ang nakiisa sa Traslacion 2019 na sa kabuuan ay naging matagumpay at mapayapa ang buong pagdiriwang.