505 total views
Pinangunahan ni Diocese of Imus Bishop Reynaldo Evangelista – Chairman ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs ang banal na misa kasunod ang pagsasapubliko ng pananda ng paghirang sa simbahan at mga retablo ng Nuestra Señora de Candelaria Parish sa Silang Cavite bilang National Cultural Treasure of the Philippines.
Ayon sa Obispo, nawa ang pananda ng pambansang yamang pangkalinangan na ipinagkaloob ng National Museum of the Philippines ay lalo pang magpatingkad sa kahalagahan ng simbahan at sa pananampalataya ng mga Katoliko.
Umaasa din ang Obispo na ngayong darating na pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa taong 2021 ay mas mabibigyang halaga ang pangangalaga sa mga pinaka unang simbahan sa Pilipinas tulad ng simbahan ng Silang Cavite.
“Sana ang kahalagahan na ito ng simbahan ay lalo pang magpalalim sa ating pananampalatayang katoliko lalo pa tayo ay magdiriwang ng ika-500 taon ng pagdating ng Kristiyanismo sa ating bansa sa 2021.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Evangelista.
Samantala, pinasalamatan naman ni Father Marty Dimaranan, Parish Priest ng Nuestra Señora de Candelaria ang magandang pagtutulungan ng pamahalaan at simbahan sa Silang, upang mapagyaman at mapangalagaan ang mga makasaysayang kultura sa Pilipinas.
Naniniwala si Father Dimaranan na ang pagpreserba sa simbahan, sa mga retablo nito at sa iba pang kultural na kayamanan ng bansa ay isang natatanging pamana para sa mga kabataan.
Dahil dito, binigyang diin rin ng pari na mahalagang maimulat ang mga ito bilang mga susunod na tagapangalaga ng kultura at kayamanan ng bansa.
“Balang araw kapag nawala kami ang mga kabataan ang papalit kaya sikapin natin bilang matatanda na ayusin na ang dapat ayusin, panatilihin ang ganda ng mga retablong ito para itong ipapamana natin sa mga kabataan at sa mga susunod na magiging lider nitong bayang ito.” Pahayag ni Father Dimaranan sa Radyo Veritas.
Ang simbahan ng Nuestra Señora De Candelaria ay itinatag noong taong 1595 at kasalukuyang 424 na taon nang pinananahanan ng mga mananampalatayang katoliko sa Cavite, samantala, ang tatlong retablo naman nito ay umaabot na sa mahigit 300 taon.