304 total views
Pinaalalahanan ng grupong Ecowaste Coalition ang mga mamamayan na ipagdiwang ng ligtas at panatilihin ang kalinisan sa darating na bagong taon.
Ayon kay Aileen Lucero, National Coordinator ng grupo, maaari pa rin na maipagdiwang ng masaya ang pagpasok ng bagong taon sa simple at hindi magastos na pamamaraan.
Inihalimbawa ni Lucero ang paggamit ng alternatibong mga pampaingay upang hindi na gumastos sa pagbili ng mga paputok at maging ligtas mula sa disgrasyang dinadala nito.
Dagdag pa ni Lucero, sa pamamagitan din ng pag-iwas sa mga paputok ay mababawasan ang kumakalat na usok sa paligid na nakasasama hindi lamang sa kalikasan kun’di maging sa katawan ng tao.
Ayon kay Lucero sa munting pamamaraan na ito ay nakapagbabahagi ang tao ng kan’yang ambag sa pangangalaga sa kalikasan.
“I-celebrate ito ng masaya, simple, hindi magastos at sama-sama yung buong pamilya na hindi nasusugatan o nagkakaron ng disgrasya. Para sa environment, sana magbigay din tayo ng share, at sana ito yung share natin, salubungin natin na malinis yung hangin, ang ating kapaligiran, at ligtas ang lahat,” bahagi ng pahayag ni Lucero sa Radyo Veritas.
Nagpaalala din si Lucero na bantayan ang mga anak sa paggamit ng mga alternatibong pampaingay na pito.
Ito ay matapos lumabas sa pagsisiyasat ng grupo na mayroon ng dalawang kaso sa bansa na nalunok ng bata ang ginagamit nitong pito bilang pampaingay.
“Tama naman ito ay isang form of alternative noise maker pero kailangan pa rin ng parental guidance ng paggamit nito kasi kailangang masigurado na walang magkakaroon ng choking hazzard, yung pito kasi ay nalulunok kapag sobrang ihip, [tapos] yung pagkuha ng hangin, So pakibantayan po ang inyong mga anak,” dagdag pa ni Lucero.
Una nang nagpaalala ang Simbahang Katolika na ang tunay na diwa ng pagdiriwang ng bagong taon ay makikita sa pag-ibig at pag-asang taglay ng bawat manwanampalataya.