432 total views
July 18, 2020-835am
Tuloy-tuloy ang ginagawang paghahanda ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bansa sa taong 2021.
Ito ang pagtitiyak ni CBCP-acting president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa kabila ng suliraranin ng bansa dulot ng pandemic novel coronavirus.
“Well of course, tuloy ang 500 years of Christianity. Whether makapag-tipon tayo o hindi. A lot of things are happening virtually sa internet, by zoom, webinars, tele-conferencing, and nag-meeting kami about it. Mayroon kasi’ng executive committee ang 500 years of Christianity, and ang ginawa na lang, ay most of the celebrations will be a year-long celebration na magsisimula next year pero magku-culminate siya in 2022 already,” ayon kay Bishop David.
Ayon sa obispo, hindi magiging hadlang ang pandemya sa mahalagang pagdiriwang ng mga Filipino sa pamana ng pananampalataya.
Paliwanag ng obispo, hindi na mahalaga kung makakapagtipon-tipon pa ang malaking bilang ng mga Filipino sa nalalapit na ika-500 anibersaryo subalit maraming paraan para ipagdiwang ito sa pamamagitan ng social media.
Sa pinakahuling pagpupulong via online ng mga obispo, isang buong taon ang gaganaping selebrasyon na magsisimula sa susunod na taon at magtatapos sa taong 2022.
Dahil dito ay ipinagpaliban naman ng CBCP ang pagdiriwang ng National Mission Congress na siyang paksa ng pagdiriwang ng simbahan para sa susunod na taon.
“Iyon ang pinaka-highlight. Year of mission next year. At na-cancel iyon at ang inendorse nalang nila kung kaya ng mga diocese ay mga diocesan mission congress. Tapos ang magiging National Mission Congress ay gaganapin na sa 2022. Karamihan sa mga activities ay natulak ng isang taon,” dagdag pa ng obispo.
Una na rin naghanda ng siyam na paksa ng pagdiriwang kada taon ang CBCP na nagsiluma noong 2013 bilang paghahanda sa ika-5 sentenaryo ng Kristiyanismo.
- Integral Faith Formation (2013)
- The Laity (2014)
- The Poor (2015)
- The Eucharist and the Family (2016)
- The Parish as a Communion of Communities (2017)
- The Clergy and Religious (2018)
- The Youth (2019)
- Ecumenism and Inter-Religious Dialogue (2020)
- Missio ad gentes [mission to the nations] (2021)
Ang bawat paksa ay binibigyan tuon at ng pagninilay sa buong taon sa pamamagitan ng iba’t ibang programa sa bawat diyosesis sa buong bansa na pinangasiwaan ng mga tanggapan sa CBCP.