589 total views
Inihayag ng Archdiocese of Caceres ang planong pagdiriwang ng Kapistahan ng Mahal na Ina ng Peñafrancia sa pamamagitan ng solemn thanksgiving bilang patuloy na pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19.
Tatlong buwan bago ang buwan ng Setyembre na isang mahalagang panahon para sa mga Bicolanong mananampalataya ay muling umapela ng pag-unawa at pakikipagtulungan si Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona para sa mga pagbabago sa nakatakdang paggunita ng Peñafrancia Festival 2021.
Nasasaad sa panibagong sirkular ni Archbishop Tirona kaugnay sa paghahanda para sa Peñafrancia Festival ang ilang mga pagbabago sa mga karaniwang aktibidad para sa kapistahan ng Mahal na Ina ng Peñafrancia. Ipinaliwanag ng Arsobispo na dapat gamiting pagkakataon ng mga mananampalataya ang kasalukuyang panahon upang higit na mapag-alab ang kanilang debosyon sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin at pagninilay kasama ang buong pamilya sa tahanan.
“We recognized the longing of many devotees for the traditional devotional practices. Truly, such practices have contributed to the propagation of the devotion. But given the fact that the COVID-19 pandemic continues to be a threat to public health, it is of higher value to celebrate the Peñafrancia Festival in solemn thanksgiving to our Ina who has always protected us from harm.”bahagi ng sirkular ni Archbishop Tirona.
Karaniwang dinadagsa ng mga turista at mananampalataya mula sa iba’t ibang panig ng bansa partikular na ng mga deboto ng Mahal na Ina ng Peñafrancia at maging sa Divino Rostro o Holy Face of Jesus ang Naga City tuwing buwan ng Setyembre upang makibahagi sa pagdiriwang ng Peñafrancia Festival.
Ayon sa Arsobispo, maari pa ring magkaisa ang mga deboto ng Mahal na Ina ng Peñafrancia sa pagpapamalas ng kanilang debosyon mula sa kanilang mga tahanan na mas ligtas at naaangkop na paraan bilang pag-iingat ngayong panahon ng pandemya.
“As the pinnacle of our Marian feast, the Peñafrancia Fiesta unites devotees from different geographies and generations. This year, the fiesta will unite devotees in prayer and reflection while we strictly observe health protocols and other precautionary measures.” Dagdag pa ni Archbishop Tirona.
Nilinaw rin ni Archbishop Tirona na bagamat hindi muli maipapamalas ng mga deboto ng Mahal na Ina ng Peñafrancia ang kanilang maalab ng debosyon sa pamamagitan ng tradisyonal na pamamaraan ay hindi naman ito kabawasan sa mga biyaya at mga pagpapala na igagawad ng Mahal na Ina.
Tema ng Peñafrancia 2021 ngayong taon ang “Sharing the Gift of Faith in the Spirit of the Faithful Obedience of Mary and Joseph” na naglalayong maging huwaran ang kababaan ng loob at pananampalataya ang Mahal na Birheng Maria at ni San Jose.