384 total views
Umaapela si Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa mga mananampalataya na gamiting daan ang nalalapit na pagsisimula ng Season of Creation upang mamulat ang bawat isa sa pag-iingat at pag-aaruga sa kalikasan.
Ayon sa Obispo, ang kalikasang biyaya ng Panginoon sa tao ay nilikha sa pamamagitan ng kanyang pagmamahal.
Inihayag ni Bishop Ongtioco na tinatawag itong “Mother Nature” o “Inang Kalikasan” dahil tulad ng isang ina, ang pagmamahal at pag-aaruga nito sa sanlibutan ay hindi nagmamaliw, at nakapagbibigay buhay sa bawat nilalang sa mundo.
“Tayo ay namumulat lalo sa kahalagahan ng pag-iingat, pag-aaruga natin sa kaloob ng Diyos sa kan’yang kalikasan na dapat nating ingatan at bigyan ng halaga dahil ito ang nagbibigay sa atin ng buhay. Kaya tinatawag nating Creation, Mother nature, parang isang ina, tayo’y walang sawang binubuhay, binibigyan ng lakas at pag-asa kaya mahalin natin ang kalikasan ng Diyos huwag nating sirain.” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, inanyayahan ni Bishop Ongtioco ang mga mananampalataya na makiisa sa iba’t-ibang aktibidad ng mga parokya o Diyosesis para sa Season of Creation.
Sa Diocese of Cubao magkakaroon ng iba’t-ibang pagtitipon sa loob ng isang buwang Season of Creation, sa pangunguna ng Ecological Justice Interfaith Movement, Association of Major Religious Superiors of the Philippines at Global Catholic Climate Movement – Pilipinas.
Sa unang araw ng Septyembre, pormal na bubuksan ang Season of Creation kasabay ng pagdiriwang ng World Day of Prayer for Care of Creation, sa pamamagitan ng Walk for Creation at banal na misang gaganapin sa Christ the King Mission Seminary sa E Rodriguez Sr. Ave, Quezon City.
Season of Creation activities
Pormal namang magtatapos ang Panahon ng Paglikha sa ika-apat ng Oktubre kasabay ng kapistahan ni San Francisco de Asisi.
Ngayon ang ika anim na taong pagdiriwang sa Season of Creation sa Pilipinas, kasabay nito ang ikatlong taon ng World day of Prayer for Care of Creation na idineklara ng Kanyang Kabanalan Francisco noong 2015, alinsunod sa isinasagawang pag-aalay ng panalagin ng Orthodox Church na nagsimula pa noong 1989.