354 total views
March 28, 2020, 5:05PM
Tiniyak ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na ipagpapatuloy ng simbahan ang pagdiriwang ng Semana Santa.
Gayunman, nilinaw ni Bishop Pabillo na ang lahat ng gawain ay isasagawa ng walang kongregasyon o walang pagdalo ng maraming mga mananampalataya dulot na rin ng umiiral na lockdown.
Inihalimbawa ng Obispo ang misa para sa Palm Sunday na mapapanood at mapapakinggan sa radyo, telebisyon at livestreaming ng bawat parokya.
“Tuloy-tuloy po ang mga celebrations ng mga simbahan ngayong Semana Santa but not in public, walang congregations. So mayroon po tayong pagdiriwang ng misa sa Palm Sunday pero wala pong tao,” ayon kay Bishop Pabillo.
Inihayag ng Obispo na maaring ipagdirwang ang Linggo ng Palaspas kahit walang palaspas, dahil ang mahalaga sa pagdiriwang ay ang pagtanggap ng bawat mananampalataya kay Hesus.
“Siguro sa ganitong pagkakataon na makita natin, ano ba ang meaning ng ating ginagawa hindi lang yung mga palaspas yung mga externalities yung meaning kung ano ang meaning ng palaspas? Tanggapin natin si Hesus sa buhay natin at magagawa natin ‘yun ng walang palaspas,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ang Linggo ng Palaspas ay ginugunita tuwing ika-anim na linggo ng Kuwaresma bago ang pagsisimula ng Mahal Araw na ginugunita ng mga kristiyano ang pagpasok ni Hesukristo sa Jerusalem bago ang kalbaryo o ang hudyat ng pagsisimula ng Semana Santa.
Ang Holy Week ay magsisimula sa ika-5 ng Abril at magtatapos ng Sabado sa ika-11 ng Abril na susundan naman ng pagdiriwang ng sambayanang kristiyano ng Linggo ng Muling Pagkabuhay o ang Easter.
PAGTANGGAP NG SAKRAMENTO
Ayon pa sa Obispo, hindi tatanggihan ng simbahan ang mga pangangailangang espiritwal ng bawat mananampalataya lalu na sa pagtanggap ng mga sakramento.
Kabilang dito ang sakramento ng kumpisal, pagpapahid ng santo olyo para sa mga maysakit, misa at pagbabasbas sa mga namayapa.
“Patuloy po tayo sa pagbibigay ng ating mga ministries sa kanila. Kaya sa mga maysakit patuloy po ang pagbibigay natin ng anointing of the sick, magtawag lamang sila Parokya,” ayon kay Bishop Pabillo.
Sinabi ng Obispo na may panuntunan nang inilabas ang simbahan na susundin ng bawat pari sa ganitong pagkakataon gayundin ang pagtalima sa umiiral na enhanced community quarantine tulad ng social distancing o pagtitipon ng maraming tao.
Kaugnay naman sa mga namayapa dahil sa pagtataglay ng coronavirus disease ay handa rin ang simbahan na magbigay ng basbas kung dadalhin ito sa simbahan.
Bagama’t sa protocol ng Department of Health ang labi ng nasawi dahil sa COVID-19 ay agad namang kini-cremate.