297 total views
Isang masayang pagdiriwang ang isinagawa ng Archdiocese of Manila sa pagsalubong sa Year of the Youth noong una at ikalawang araw ng Disyembre, sa Our Lady of Guadalupe Minor Seminary, sa pangunguna ng Archdiocesan Commission on Youth.
Libu-libong mga kabataan ang nagsaya, nanalangin at nagpayaman ng karanasan at kaalaman kaugnay sa mga usaping mahalagang kasangkutan ng mga kabataan.
Pinangunahan naman ng kaniyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang banal na Misa, bago matapos ang pagtitipon sa paglulunsad ng Year of the Youth.
Sa pagninilay ng Kardinal, ipinaliwanag nito sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagsisimula ng panahon ng adbiyento, kasabay ng bagong tema ng taon.
Sinabi ni Cardinal Tagle na bagamat natapos ang isang liturgical year ay palagi namang “mayroon pang susunod, mayroon pang hinaharap at mayroon tayong hinihintay.
“The Son of Man will come, at iyon ang ipinapaalala sa atin ng adbiyento.” pahayag ni Cardinal Tagle
Idinagdag ni Cardinal Tagloe na isang makabuluhan at may saysay na paghihintay ang itinuturo ng adbiyento lalo na sa mga kabataan, kaya naman marapat lamang na harapin ng bawat isa ang kasalukuyan habang tinitignan ang kinabukasan kung saan masusumpungan ng bawat isa si Hesus.
“Our future has a name – Jesus. Hindi ambisyon, pagyaman, kun’di si Hesus.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Samantala, sa gitna ng mga pagsubok sa buhay at umiiral na suliranin sa lipunan, hinimok ng Kardinal ang mga kabataan na maging misyonero ni Hesus.
Gayunman, nilinaw ni Cardinal Tagle na maisasakatuparan lamang ito ay kinakailangang humugot ng lakas kay Hesus ang bawat isa.
“Humanap ka ng lakas kay Hesus at hindi ka mambubusabos ng kapwa. Ang mga nambubusabos ng kapwa sa salita, isip at gawa, yan ang pinaka insecure na tao sa buong mundo… Ang mga kabataan na ang kinakapitan ay si Hesus, you will be blessed, you will be empowered.” paglilinaw ni Cardinal Tagle
Sa huli, ipinaalala din ni Cardinal Tagle na ang susi upang mapagtagumpayan ang misyon na iniaatas ng Diyos ay ang paglalagay kay Hesus sa sentro ng ating buhay.
Aniya, lahat ng mga gawain, at maging ang pagdiriwang sa Year of the Youth ay mawawalan ng saysay kung hindi si Hesus ang magiging sentro. Tinatayang mahigit sa 2,000 mga kabataan ang lumahok sa pagdiriwang ng paglulunsad sa Year of the Youth sa Archdiocese of Manila.
Ang pagdiriwang na ito ang ikapitong taon na bahagi ng paghahanda ng simbahan para sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.