13,452 total views
Kinundena ng development at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang marahas na pagdukot sa dalawang environmental defenders sa Pangasinan.
Tinukoy ng Caritas Philippines ang mga pinuno ng Pangasinan People Strike for the Environment Inc. (PPSEI) at miyembro ng Lingayen-Dagupan Archdiocesan Ministry on Ecology na sina Francisco “Eco” Dangla III at Axielle “Jak” Tiong.
Ayon kay Caritas Philippines vice president, San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, hindi makaturungan ang ginawang pagdukot sa dalawang tagapagtanggol ng kalikasan dahil ang kanilang ipinaglalaban ay para sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon.
“This violent act against Mr. Dangla and Mr. Tiong, who selflessly dedicate their lives to protecting our environment, is a flagrant assault on us all. We will not tolerate silencing those who bravely fight for a sustainable future,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Marso 24 nang dinukot at sapilitang pinasakay sa van ng mga hindi kilalang indibdwal sina Dangla at Tiong batay sa salaysay ng mga nakasaksi sa insidente.
Kilala ang dalawang tagapagtanggol ng kalikasan sa kanilang matapang na pagpapahayag at mariing pagtutol sa offshore mining sa Pangasinan.
Nananawagan naman si Bishop Alminaza sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. upang mabigyang-katarungan ang karahasang ginawa kina Dangla at Tiong.
Muli ring nagpahayag ng suporta ang Caritas Philippines para sa pagsusulong ng Human Rights Defenders Protection Act upang mapangalagaan ang bawat mamamayan lalo na ang mga indibidwal at grupo na nagtatanggol para sa karapatang-pantao.
“This legislation is no longer a luxury, but a necessity. Environmental defenders and human rights advocates, like these leaders from PPSEI, deserve the shield of law from threats, harassment, and violence,” giit ni Bishop Alminaza.
Dalangin ni Bishop Alminaza na mahinto na ang pag-atake at pagbibitaw ng maling paratang sa mga tagapagtanggol ng karapatang pantao at pangkalikasan, at sa halip ay mangibabaw ang paggalang at maayos na ugnayan para sa pagkakaroon ng mapayapang lipunan.
“Caritas Philippines will remain a relentless voice for those who fight to protect our environment and secure a just and sustainable future for all,” saad ni Bishop Alminaza.