520 total views
Ikinababahala ng Santo Papa Francisco ang banta ng pag-igting ng digmaan at paggamit sa armas nukleyar sa patuloy na labanan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa kanyang Angelus, inilaan ng Santo Papa ang kaniyang pananalangin at panawagan na magkaroon ng tigil putukan at bigyang paggalang ang teritoryo ng bawat bansa.
Ikinalulungkot din ng Santo Papa ang patuloy na pagdami ng nasasawi dahil sa digmaan lalo na ang mga batang biktima.
Muli hinimok ng Santo Papa ang Russia na ihinto na ang paglusob habang hinihiling naman sa Ukraine na bigyang puwang ang pagkakaroon ng usapang pangkapayapaan.
“My appeal is addressed first and foremost to the President of the Russian Federation, imploring him to stop this spiral of violence and death, also for the sake of his own people. On the other hand, saddened at the immense suffering of the Ukrainian people as a result of the aggression they have suffered, I address an equally confident appeal to the President of Ukraine to be open to serious proposals for peace,” ayon kay Pope Francis.
Giit pa ni Pope Francis sa international communities na gawin ang lahat ng paraan upang mapahupa ang kaguluhan at hindi maging dahilan nang higit pang paglubha ng digmaan.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa pitong buwan ang digmaan na nagsimula nang lusubin ng Russia ang Ukraine noong Pebrero.
Pakiusap pa ni Pope Francis, “Please let the younger generations breathe the salutary air of peace, not the polluted air of war, which is madness!”
Muli’y hinikayat ng Santo Papa Francisco ang pagtitiwala sa awa ng Panginoon na makakapagpabago ng mga puso, nang pamamagitan ng Ina ng Kapayapaan sa pamamagitan ng pagsusumamo sa Mahal Birhen ng Rosaryo na kaisa ng bawat mananampalataya na natitipon sa mga dambana sa iba’t ibang bahagi ng mundo.