1,176 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pamahalaan at mamamayan na paigtingin pa ang pagsusulong at pamumuhunan sa paggamit ng renewable energy sa bansa.
Ito ang panawagan ni CBCP-Episcopal Office on Stewardship chairman, Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa 15-taong pagpapalawig sa Malampaya gas-to-power project.
Ayon kay Bishop Pabillo, hindi maisasantabi na makakatulong ang pagpapalawig sa kontrata ng Malampaya para sa mga residente ng Palawan na palaging nakakaranas ng kawalan ng suplay ng kuryente.
“Sana sa pagpapalawig ng pamahalaan sa Malampaya ay makatulong talaga sa pagbibigay ng maayos na suplay ng kuryente lalo dito sa Palawan. Kasi ang Palawan, matagal nang may problema sa kuryente kahit malapit lang naman dito ang Malampaya gas field. Kaya sana totoo ang inisyatibo nila na tugunan ang power shortage sa Pilipinas,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Bagamat sang-ayon ang obispo sa inisyatibo ng pamahalaan, hindi pa rin dapat isantabi ang usapin ng paggamit ng fossil fuel dahil sa panganib at pinsalang idudulot nito sa kalikasan.
Sinabi ni Bishop Pabillo na kasabay ng pagpapalawig sa kontrata ay dapat manindigan pa rin ang pamahalaan sa pangakong paglipat at pamumuhunan sa renewable energy na nakikitang tugon sa krisis sa enerhiya at klima ng bansa.
Ipinaliwanag naman ng obispo na ang 15-taon ay pagkakataon para lubos na mapaghandaan ng bansa ang tuluyang pagpapalit at pamumuhunan sa malinis na enerhiya, hanggang sa tuluyan nang ihinto ang paggamit ng fossil fuel bilang mapagkukunan ng enerhiya.
“Sa ngayon, hindi pa natin kaya ang biglaang paglipat sa renewable energy kasi kaunti pa lang ang namumuhunan dito. Kaya nga dapat bago matapos ang kontrata ay marami na talagang gumagamit at tumatangkilik sa renewable energy tulad niyang solar, wind, at iba pa, para magtuluy-tuloy na talaga ang paggamit natin sa malinis, mura at ligtas na enerhiya para sa lahat,” giit ni Bishop Pabillo.
Una nang iminungkahi ng Center for Energy, Ecology and Development (CEED) ang pagkakaroon ng maayos na Energy Transition Plan upang mas matukoy ang maaari pang mapagkunan ng renewable energy sa bansa, maging ang paghikayat sa mga energy distribution utilities na tangkilikin ito.
Panawagan naman ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si’ ang pagpapalawak sa paggamit ng renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.