329 total views
Binigyang-diin ni Archdiocese of Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na ang mamuhay ayon sa mga halimbawa ni Hesus ang pinakamagandang regalo ng mananampalataya sa Mahal na Birheng Maria.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa kapistahan ng pagsilang ng Mahal na Ina nitong September 8.
Ipinaliwanag ni Cardinal Advincula na ang paggawa ng kabutihan ang magbibigay kasiyahan sa ina ng sanlibutan.
Sinabi pa ng Cardinal na makapagbibigay kasiyahan sa Mahal na Ina ang pagkakaisa ng mamamayan sa paglingap sa kapwa at paninindigan sa katotohanan at katarungan.
“Ang pinakamagandang regalo natin kay Maria ay ang pagsisikap nating maging katulad ni Hesus. Kung tayo ay sumusunod sa kalooban ng Diyos, tumutulong at dumaramay sa kapwa, nagmamalasakit at nagmamahal sa lahat; kung tayo ay naninindigan sa katotohanan, karangalan, katarungan, katuwiran, at isinasa-alang-alang ang kabutihan ng nakararami; kung tayo ay mabuting mamamayan ng ating bayan at miyembro ng Simbahan,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Inihayag pa ng Kardinal na tulad ng mga ina ng tahanan nais ng Birheng Maria na makita ang mga anak na maayos, mabuti at mabait na nakikitungo sa kapwa sa pagkakamit ng pagkakaisa at kapayapaan sa lipunan.
Hinimok ni Cardinal Advincula na bukod sa pagpaparangal at pag-aalay ng mga bulaklak ay mahalagang isabuhay ng bawat isa ang mga turo ni Hesus bilang tugon sa pahayag ng Mahal na Birhen sa Juan 2: 5 ‘gawin ninyo ang anumang sabihin Niya [Hesus] sainyo’.
Kaugnay dito, hinikayat ng simbahang katolika na makiisa sa pagdiriwang ng Banal na Misa sa livestreaming bilang pagpaparangal sa Mahal na Ina.
Dahil sa pananatiling mahigpit ng quarantine restrictions sa National Capital Region at ibang lalawigan hindi pa rin pinahihintulutan ang religious gatherings kaya’t inaanyayahan ang mananampalatya sa online masses.
Sa Radio Veritas matutunghayan ang mga misa apat na beses araw-araw tuwing alas dose ng hatinggabi, alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali, at alas sais ng gabi.
Patuloy ding isinasagawa sa bansa ang healing rosary for the world para sa paghilom ng daigdig sa COVID-19, suliranin ng kagutuman, kahirapan at ang laganap na karahasan sa lipunan.
Nauna nang kinilala ang Pilipinas na Pueblo Amante de Maria o bayang namimintuho sa Mahal na Birhen dahil sa mayamang debosyon sa Mahal na Ina.