209 total views
Ibinahagi ni Archdiocese of Manila Archbishop-elect Cardinal Jose Advincula na itinakda sa Hunyo 18, 2021 ang paggawad ng ‘insignia’ ng Cardinal.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Cardinal Advincula, sinabi nitong ito ang napagkasunduang araw batay na rin sa konsultasyon ng mga eksperto at bago magtungo sa Manila ang arsobispo.
Matatandaang unang itinakda noong Mayo 28 ang ‘bestowal of red hat’ ng Cardinal ngunit ipinagpaliban dahil sumailalim sa 14-day mandatory quarantine si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown makaraang dumating sa bansa mula New York City.
Itinakda ito noong Hunyo 8 subalit muling ipinagpaliban batay na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan at kaligtasang pangkalusugan ng mga dadalo dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa Capiz.
“Sana matuloy na ang bestowal ng insignia; increasing pa rin kasi ang number ng new COVID-19 cases sa Capiz,” pahayag ni Cardinal Advincula sa Radio Veritas.
Alas 3:30 ng hapon nakatakdang isasagawa ang seremonya ng paggawad ng ‘insignia’ ni Cardinal Advincula sa Immaculate Conception Metropolitan Cathedral sa Roxas City.
Nakatakda naman sa Hunyo 24, 2021 ang pagtatalaga kay Cardinal Advincula bilang ika – 33 arsobispo ng Archdiocese of Manila sa Manila Cathedral na dadaluhan ng piling panauhin bilang pagsunod sa safety health protocol.