1,986 total views
Matagumpay na isinagawa ng Archdiocese of Lipa ang COVID Survivors’ Day sa Parish and National Shrine of St. Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas.
Ito’y programa ng arkidiyosesis sa pamamagitan ng Ministry on Social Services bilang paggunita sa mga naging biktima ng coronavirus disease, lalo na sa mga hindi nakaligtas sa epekto ng nakamamatay na virus.
Ayon kay Fr. Jazz Siapco, pinuno ng ministry na sa nakalipas na higit dalawang taon ng pandemya ay higit na nasubukan ang katatagan ng bawat isa sa pagharap sa panganib na dala ng COVID-19.
Sinabi ni Fr. Siapco na ang paggunita sa mga nakaligtas sa nakahahawa at nakamamatay na sakit ay pagkakataon din upang kilalanin ang mga kumalinga at tumulong upang makaligtas sa sakit at krisis ng pandemya.
“Kaya ang araw na ito, una ito’y pasasalamat sa Diyos sa buhay na ibinigay sa paggaling at ikalawa’y pagkilala mula sa kadakilaan ng Diyos at pagkilala sa mga tumulong at nakiisa para lahat tayo’y mag-survive dito.” pahayag ni Fr. Siapco sa panayam ng Radio Veritas.
Umaasa ang pari na bagamat hindi naging maganda ang epekto ng COVID-19 ay maging aral at gabay ang mga natutunan sa pagsubok na ito.
Ipinaalala din ni Fr. Siapco na nananatili pa rin sa paligid ang banta ng virus kaya’t mahalagang isaalang-alang ang pag-iingat sa kalusugan at ang pananalangin para sa patuloy na pamamatnubay ng Panginoon.
“Para sa lahat ng survivors lagi tayong magpapasalamat sa Diyos. Marami tayong mga taken for granted na mga bagay-bagay pero dahil sa pandemyang ito, we were able to relieve the experience. And we were able to once more appreciate life, appreciate the goodness of other people. We appreciate God himself na talagang gumagabay sa atin.” ayon kay Fr. Siapco.
Batay sa tala ng Department of Health na sa nakalipas na dalawang taon ng pandemya, umabot sa higit 4-milyon ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa nasabing bilang, 3.9-milyon ang nakaligtas, habang 64-libo naman ang nasawi.