4,353 total views
Naniniwala ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ang paggunita sa ika-51 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ay isang paggising sa bawat isa upang patuloy na ingatan ang kalayaan ng bayan.
Ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, ang paggunita sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa ay isang patuloy na hamon sa lahat upang pangalangan ang kalayaang tinatamasa ng bayan mula sa mga makasariling politiko na may pansariling interes sa posisyon at katungkulan sa pamahalaan.
Hinimok ng Obispo ang bawat Pilipino na maging mapagbantay upang hindi na muling masiil ang kalayaan at demokrasya ng bansa na una ng nakamit ng mga mamamayang nanindigan sa diktaduryang Marcos.
“Ang ating paggunita ngayon ay bilang panggising sa atin na ingatan natin yung kalayaan na ibinigay sa atin, huwag nating hayaan na the freedom that we have will again be curtail by some ambitious people most especially those who are greedy for power in the political life of our country.” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo na siya ring national president ng Caritas Philippines, isang pagkakataon rin ang paggunita ng deklarasyon ng Martial Law upang patuloy na magpasalamat sa Panginoon para sa paggabay at pagbibigay proteksyon sa sambayanang Pilipino sa kabila ng madalim nitong kasaysayan sa ilalim ng Batas Militar.
Partikular ding nagpahayag ng pagkilala ang Obispo sa lahat ng mga nagsakripisyo ng kanilang buhay upang isulong ang kalayaan at demokrasya ng bansa mula sa paniniil at malawakang paglapastangan na naganap hindi lamang sa bayan kundi maging sa karapatang pantao ng mga mamamayan.
“Higit sa lahat ay pagkakataon ito na tayo ay magpasalamat sa Diyos sapagkat despite of what happened to us noong Martial Law we have survived and we have been blessed by God and we have received many blessings through the years because of the sacrifices of many people, mga biktima noong Martial Law at mga taong nag-alay ng kanilang buhay, tayo ay nagpapasalamat sa kanila ay pinagdadasal natin sila because by their examples and by their lives that they have given us an example of what we ought to do as people believers of the importance of freedom.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
September 21, 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na winakasan ng mapayapang People Power Revolution noong taong 1986 na naging inspirasyon ng iba’t ibang bansa upang isulong ang kani-kanilang kasarinlan sa pamamagitan ng pagkakaisa sa halip na karahasan.