2,179 total views
Ang Mabuting Balita, 09 Disyembre 2023 – Mateo 9: 35 – 10: 1, 6-8
PAGHAHALILI
Noong panahong iyon, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga may sakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang anihin.”
Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Sila’y pinagbilinan ni Jesus: “Hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.”
————
Si Jesus ay tunay na DALUBHASANG TAGAPLANO. Maaari iniwan na lang niya ang mundo noong siya’y namatay, ngunit lahat ay naiplano niya ng mabuti. Ang misyon niya ay hindi isang pansamantalang bagay. Sa loob ng 3 taon, hinubog niya ang 12 disipulo na hindi nabibilang sa mga may kaalaman. Bakit sila? Marahil sapagkat mas madaling punuin ang basyo? Nagturo siya hindi lamang sa salita, ngunit ginawa niya silang saksi sa kanyang mga kawang-gawa, at bago nilisan ang mundo, binigyan niya sila ng karapatan at kapangyarihang ipangaral ang kanyang mga itinuro, at gawin ang mga bagay na kanyang ginawa. Tiniyak niya na magkakaroon ng PAGHAHALILI sapagkat ang kanyang misyon ng kaligtasan ay kailangang maipagpatuloy hanggang sa kadulo duluhan ng panahon kung kailan siya ay babalik at uupo bilang Hukom ng lahat ng mga bansa.
Harinawa, tayo ay higit na nagpapasalamat na bagama’t ang tao ay lumayo sa Diyos, hindi nawala ang lahat, sapagkat pinadala ng Diyos ang kaisa-isahang anak niya upang mabuhay dito sa mundo, nang sa pamamagitan niya maaari tayong mamuhay ng lubos-lubusan!
Panginoong Jesus, nawa’y lagi naming ibigay ng lubos lubusan ang aming sarili para sa pagtatatag ng iyong Kaharian dito sa mundo!