20,266 total views
Isinapubliko ng National Shrine of Our Lady of Fatima ang mga gawain bilang paghahanda sa Canonical Coronation sa imahe ng Mahal na Birhen ng Fatima.
Inaanyayahan ng dambana ang mamamayan lalo na ang mga deboto na makikiisa sa Marian Conference sa February 11 tampok ang mga panayam nina Fr. Francisco Carson sa paksang ‘The Significance of Canonical Coronation’ habang tatalakayin naman ni Lipa Archbishop-Emeritus Ramon Arguelles ang ‘History and Miracles of the National Pilgrim Image.’
Sinabi ng pambansang dambana na ang koronasyon sa imahe ng Birhen ng Fatima ay pagkilala at pasasalamat sa patuloy na pagkalinga ng Mahal na Ina sa mga Pilipino lalo’t ito ay may malaking bahagi sa kasaysayan ng bansa para sa pagkakamit ng kapayapaan.
“Together as one nation, let us honor the Blessed Virgin Mary through her image by offering this coronation, a sign of our gratitude for her maternal intercession for the Philippines.” bahagi ng pahayag ng National Shrine of Our Lady of Fatima.
Matatandaang naging bahagi ang imahe sa EDSA People Power Revolution noong 1986 kung saan nagtipon ang mga Pilipino sa pananalangin at hudyat ng pagwakas sa dalawang dekadang pamumuno ng rehimeng Ferdinand Marcos Sr.
Sa February 21 bibisita sa EDSA Shrine ang imahe kung saan magkakaroon ng enthronement sa alas singko ng hapon na susundan ng Banal na Misa sa alas sais ng gabi na pamumunuan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Sa February 22 magkaroon ng traslacion sa imahe mula ikaapat ng madaling araw sa EDSA Shrine at candlelight procession mula Tullahan Bridge pabalik sa dambana.
Makibahagi rin sa Triduum Masses mula February 22 hanggang 24 sina Iba Bishop Bartolome Santos, Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona; at Malolos Bishop Dennis Villarojo.
Sa araw ng koronasyon sa February 25 pangungunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang rito kasama si Bishop Villarojo.
Mapakikinggan din sa Radio Veritas 846 ang buong pagdiriwang mula alas nuwebe ng umaga.