222 total views
Lalo pang paiigtingin ng Simbahang Katolika pa ang kampanya sa paghahanda sa mga magaganap na kalamidad.
Ito ang tiniyak ni Rev. Fr. Emerson Luego, Social Action Director ng Diocese of Tagum matapos dumalo sa pagpupulong na inilunsad ng Caritas Manila at Radyo Veritas na tinawag na “Oplan Damayan”.
Ayon kay Fr. Luego, hindi nila malilimot ang pinsala at pangamba na idinulot ng bagyong Pablo ng manalasa itong sa Mindanao Region noong taong 2012 kaya naman nais nilang mas paigtingin ang kahandaan mula sa bahagi ng Simbahan.
“That was our first time na makaranas na ganun katindi ang bagyo kaya nagkaroon na din ng consciousness hindi lang ang mga kaparian pati na mga parokyano at mga kababayan natin dito na kung saka-sakali handa na talaga sila.”pahayag ni Fr. Luego sa panayam ng Radio Veritas.
Sa pamamagitan aniya ng “Oplan Damayan” ay magkakaroon naman ng pinagisang pagkilos at mas epektibong komunikasyon ang kanilang diyosesis sa iba pang lalawigan na madalas din makaranas ng mga kalamidad.
“Ito na yun tinutukoy naming na mangyari, na nabigyan na ng panahon na matutukan lalo na sa Mindanao, na meron samahan ang mga DSAC’s(Diocesan Social Action Director) para ma-discuss ano ang mga posibleng magawa natin tulong sa panahon ng sakuna.”dagdag pa ni Fr. Luego.
Samantala, Naniniwala naman si Fr. Harlem Gozo, Social Action Director ng Maasin Leyte na kailangan pang madagdagan ang kaalaman ng Simbahan sa Emergency Response.
Ayon kay Fr. Gozo, kailangan ang koordinasyon lalo na sa mga tagapamuno ng Simbahan at mga Parokya upang agarang makatulong sa oras ng kalamidad.
“Nakikita ko po na kailangan talaga yung quick response sa emergency situation saka dapat may coordination sa iba’t-ibang parokya kapag may dumating na kalamidad.”pahayag ni Fr. Gozo sa panayam ng Radio Veritas.
Batay sa datos ng UN, sinasabing ang Pilipinas ay pang-apat sa mga bansa na pinaka-nakararanas ng mga kalamidad sa buong mundo. Ang Simbahang Katolika sa Pilipinas ay agad na kumikilos sa pagtulong sa mga naapektuhan ng kalamidad sa pamamagitan ng Caritas Philippines at Caritas Manila, mga kilalang Social Arm ng Simbahan sa bansa.