238 total views
Ito ang panawagan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa mga mananampalataya ngayong panahon ng adbiyento.
Pagbibigay diin ng Obispo, hindi dapat lumipas ang bawat araw na walang nangyayari o walang nagagawang kabutihan ang isang tao, dahil ito ang tanda ng kahandaan ng puso at kalooban sa pagsilang at sa muling pagbabalik ni Hesus.
“Ang Adbiyento dalawa ang kahulugan n’yan, yung unang pagdating. Pero pinangako ni Hesus na s’ya ay babalik yun ang binibigyang diin natin ng paghahanda, araw-araw ay dapat gamitin natin, huwag nating hayaang lumipas ang isang araw na walang nangyari sa ating buhay, bawat hakbang na ginagamit nating paghahanda, ito ay nilalapit tayo sa Panginoon weather sa pagdiriwang ng unang pagdating o sa kanyang pagbalik na ating pinaghahandaan araw-araw.” Bahagi ng pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Bishop Ongtioco, puso at kalooban ng tao ang tunay na lugar na pananahanan ni Hesus sa kanyang pagsilang na dapat pagtuunan ng tao sa paghahanda sa pagdating ng tagapagligtas at hindi ang mababaw na paghahanda o paglalagay ng mga dekorasyon.
“Ito ang panawagan sa ating lahat, ihanda ang dapat ihanda, hindi yung kapaligiran ngunit ang kalooban ng tao, ang puso ng tao, dito gustong manatili, manahan ng Diyos, gustong muli S’yang isilang.” dagdag pa ni Bishop Ongtioco.
Ang adbiyento ay ang pagsisimula ng panibagong kalendaryo ng simbahan.
Ito ay binubuo ng apat na linggong paghahanda para sa pagsilang ng Anak ng Diyos na magliligtas sa sanlibutan.