369 total views
Naaangkop lamang ang maagang paghahanda ng mga botante sa 2022 elections.
Ito ang ibinahagi ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) Board of Trustee Member Msgr. Julius Perpetuo Heruela sa mga ginagawang aktibidad ng iba’t ibang sektor kabilang na ang Simbahan bilang paghahanda sa nakatakdang halalan.
Ayon sa Pari, tulad ng maagang pagpapakilala ng mga pulitiko sa iba’t ibang paraan ay mahalaga ring maagang maging mapanuri ang mga botante na maaring maging batayan sa pagpili at pagkilatis sa mga ihahalal na opisyal.
Kabilang na tinukoy ni Msgr. Heruela na paraan ng mga pulitiko upang maagang makapagkilala higit isang taon bago pa man ang eleksyon ay ang paggamit ng social media at ang nakagawiang pagsasabit ng mga tarpaulin sa iba’t ibang lugar.
“Marami pong politiko na nagpapakilala na talaga, through tarpaulin and then through social media may mga pa-raffle pa nga sila that is tingin ko 1-year ago pa nila ginagawa yan ng mga pulitiko, kaya dapat maaga rin tayong magprepare sa election kasi kung sila 1 year ahead dapat tayo mas ahead sana sa kanila,” pahayag ni Msgr. Julius Perpetuo Heruela sa panayam sa Radio Veritas.
Giit ng Pari na siya ring Head ng Diocesan Electoral Board (DEB) ng Diocese of Dumaguete na naaangkop lamang na maagang maging mapanuri ang bawat botante sa sistema ng pulitika sa bansa kabilang na ang iba’t ibang paraan ng mga pulitiko upang makakuha ng boto.
Samantala ibinahagi naman ni Msgr. Heruela ang pagtutok ng Diyosesis ng Dumaguete sa pagiging aktibo ng mga kabataan para sa papalapit na halalan sa pamamagitan ng pagkakaloob ng voters education na mula sa module ng PPCRV na hango naman sa Pambansang Konstitusyon ng Pilipinas.
Paliwanag ng Pari, dahil sa patuloy na banta ng COVID-19 virus kung saan mas lantad ang mga nakatatanda ay mas higit na kinakailangan ang presensya ng mga kabataan sa pagbabantay sa nakatakdag halalan.
“Dito sa Diocese of Dumaguete actually ang ginagawa namin ngayon, we are targeting muna yung mga youth this time, kasi mga youth ang ating makakapag-mobilize, makapagwork during election at the same time we are trying to mobilized voters education ang PPCRV gumagawa ng module para sa basic values natin na kinuha sa Constitution,” dagdag pa ni Msgr. Heruela.
Patuloy naman ang pananawagan ng Simbahan sa mga hindi pa nakapagpaparehistro partikular na ang mga kabataan na samantalahin ang lalabing araw ng voters registration ng Commission on Elections (COMELEC) na magtatapos sa ika-30 ng Setyembre, 2021.