401 total views
Mga Kapanalig, niyanig na naman ng magkasunod na 6.4-magnitude at 5.8-magnitude na mga lindol kamakailan ang bansang Turkiye. Hindi bababa sa tatlong katao ang nasawi at umabot naman sa higit 200 ang nasugatan. Naramdaman din ang lindol sa Syria kung saan tinatayang 500 katao ang nasaktan. Ang dalawang magkasunod na mga lindol na ito ay nangyari dalawang linggo matapos ang mapanirang lindol noong ika-6 ng Pebrero sa mga bansang din iyon.
Nauna nang nagpaabot ng tulong pinansiyal ang ating Kongreso sa Turkiye na nagkakahalaga ng 100,000 dolyar. Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, malaki raw ang tulong na natanggap ng ating bansa mula sa mga Turkish volunteers lalo na noong sinalanta tayo ng bagyong Yolanda. Maliban sa tulong pinansiyal, nagpadala rin ang ating bansa ng inter-agency disaster response team sa Turkiye. Binubuo ito ng 31 medical personnel mula sa Department of Health at 30 sundalo mula sa Armed Forces of the Philippines.
Dahil sa lala ng sakunang nararanasan sa Turkiye, sinabi ng United Nations na dapat nating tiyaking hindi malilimutan ang mga taong namatay sa lindol. Ito raw ang pinakamalalang sakuna sa Turkey sa nagdaang isang dekada.
Ngunit maliban sa pag-alala sa mga nasawi, mahalaga rin ang pag-aksyon ng bawat isa sa atin, lalo na ng pamahalaan, upang paghandaan ang mga sakuna. Dito sa ating bansa, 17 probinsya ang kabilang sa top 100 areas na lantad sa climate change, lalong lalo na sa mga extreme weather o matitinding pagbabago ng panahon. Kasama sa mga probinsyang ito ang Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Pangasinan, Ilocos Sur, Zambales, Aurora, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, at Cagayan sa Luzon; Eastern Samar, Northern Samar, Leyte, Samar, at Southern Leyte sa Visayas; at, Surigao del Sur at Sulu sa Mindanao. Noong 2022, ang ating bansa ay nangunguna sa listahan ng mga bansang pinakalantad sa mga sakuna.
Hindi maaaring balewalain ang pangangailangang paghandaan ang mga sakuna. Kasalukuyang pinag-uusapan ngayon sa Kongreso ang panukalang batas na naglalayong buuin ang Department of Disaster Resilience (o DDR). Ang ahensyang ito ang tututok sa pagtugon sa mga sakuna. Mahalaga ring tutukan ang pagpapatatag ng kakayanan ng mga lokal na DDR councils na tumugon kung dumating ang mga sakuna. Kailangang kilalain ng naturang panukalang batas ang pangangailangan para sa isang kagawarang ang mandato ay higit sa koordinasyon ng iba’t ibang ahensya, katulad ng ginagawa ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Taun-taon ay humaharap tayo sa mga bagyo at kalamidad dito sa ating bansa. At katulad ng mga naapektuhan ng lindol sa Turkiye at Syria, marami sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng sapat na aksyon mula sa gobyerno at tulong mula sa pandaigdigang mga institusyon.
Sa huli, ang pagbangon mula sa mga kalamidad ay dapat na nagsisimula sa pagdadamayan at pagtutulungan ng mga tao. Sabi nga ni Pope Francis patungkol sa lindol na naganap, hinihingi sa atin ng pag-ibig ni Hesus na hayaan nating mapukaw ang ating mga sarili ng ating kapwang dumaranas ng paghihirap.7 Mahalagang manggaling sa pag-ibig sa ating kapwa ang kagustuhan nating tumulong sa kanila. Maaari itong magsimula sa pagbibigay ng tulong pinansiyal o medikal. Sa larangan ng pamamahala, kaakibat nito ang pagpapatatag ng mga institusyong may mandatong paghandaan at agarang umaksyon sa panahon ng sakuna.
Mga Kapanalig, ang mga balita ng sakuna ay hindi na bago sa atin, pero kinakailangang pagpanibaguhin natin ang ating damdaming dumamay sa ating kapwa at maghanda sa darating pang mga sakuna. Huwag nating kalimutang sa kabila ng ating pagkapagal sa paulit-ulit na sakuna, “ang Diyos ang ating lakas at kanlungan” wika nga sa Mga Awit 46:1.
Sumainyo ang katotohanan.