186 total views
Mga Kapanalig, halos sunud-sunod ang magagandang balita tungkol sa bumababa nang bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa. Habang isinusulat ang editoryal na ito, 370 ang naitalang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-10, malayo sa halos libo kada araw nitong mga nakaraang buwan. Umabot na sa halos 40 milyong Pilipino o 36% ng populasyon ng bansa ang fully vaccinated na. Nagsimula na ring mag-ulat ng zero COVID-19 cases ang ilang ospital, bayan, at lungsod. Kasalukuyang nasa “very low risk” para sa COVID-19 ang Metro Manila.
Ngunit kung kailan naman dahan-dahan nang bumubuti ang kalagayan natin dahil na rin sa iba’t ibang pagsisikap upang mapigilan ang COVID-19, may bago na namang “variant of concern” na naitala ang World Health Organization noong nakaraang buwan. Bagamat kapansin-pansing mas mabilis nang nagpatupad ng travel ban ang ating gobyerno sa mga bansang nakapagtala na ng Omicron variant, sinabi ng Department of Health na hindi maaaring isara ang borders ng Pilipinas nang walang katiyakan kung hanggang kailan, kaya’t hindi raw maiiwasang pumasok sa bansa ang bagong variant. Upang makontrol ang pagkalat ng Omicron variant, inilagay na ng Pilipinas ang 14 bansa sa “red list” nito ng mga bansang may high risk ng COVID-19.
Ayon naman sa OCTA Research, isang pribadong grupo ng mga manananaliksik at ekspertong nagbibigay ng mga payong may kaugnayan sa pandemya, hindi raw kailangang alalahanin ng mga tao ang bagong variant, at sa halip ay dapat ipagdiwang ang paparating na Pasko. Ayon sa isa sa mga miyembro ng OCTA Research Team, kahit na tumataas ang mga kaso ng COVID-19 sa ibang bansa dahil sa bagong variant, hindi naman daw tumataas ang bilang ng mga naoospital, hindi katulad ng Delta variant. Ito ang balitang nais nating marinig dahil nagbibigay pag-asa ito sa ating mapagtatagumpayan natin ang pandemya. Ngunit hindi pa rin ito dahilan upang maging kampante ang publiko, lalung-lalo na ang mga kinauukulan.
Ano naman ang paghahandang gagawin ni Pangulong Duterte? Sinabi niyang gusto niyang barilin at patayin ang bagong natuklasang COVID variant. Hindi natin alam kung mapapanatag at mapapalagay tayo sa ganitong salita mula sa pinakamataas na lider ng bansa. Bagamat umaasa at ipinapanalangin daw ng pangulong hindi makarating sa Pilipinas ang Omicron variant, kasabay dapat nito ang mga konkretong desisyon gaya ng agarang pagpapatupad at paghihigpit ng travel bans at pagpapaigting sa mga vaccination drives upang tunay na mapaghandaan ang variant na ito at kung mayroon pang mga susunod.
Sa ensiklikal na Rerum Novarum, binibigyang-diin ni Pope Leo XIII na dapat laging itinataguyod ng mga pinuno ng pamahalaan ang kapakanan at kaligtasan ng lahat ng kanilang pinamumunuan. Umiiral ang pamahalaan at ang mga namumuno rito dahil sa bayang kanilang pinaglilingkuran, kaya’t kabutihan ng mga mamamayan ang dapat na pinagtutuunan ng pansin at pinahahalagahan ng gobyerno. Maagap dapat ang pagtugon ng ating pamahalaan sa anumang krisis na ating kinakaharap, lalo na ang krisis pangkalusugan.
Walang mali kung magiging positibo tayo sa ating pagtingin sa kalagayan natin ngayon, ngunit hindi ibig sabihin nito ay maging kampante tayo at ang ating mga lider. Sa dalawang taong pakikipagbuno natin sa COVID-19 at sa mga naging epekto nito, marami na tayong mga aral na dapat natutunan. Upang tunay na maging maganda ang susunod na taon, mahalaga ang mga hakbang na gagawin ng ating pamahalaan lalo na sa usapin pa rin ng mass testing, contact tracing, vaccination at pagpapalakas sa kapasidad ng mga ospital.
Mga Kapanalig, gaya ng bilin sa atin sa Timoteo 2:2, “ipanalangin ninyo ang mga hari at mga may kapangyarihan para makapamuhay tayo nang tahimik at mapayapa na may kabanalan.”