274 total views
Paghihilom ng sugatang puso ng mga kabataang nakaranas ng karahasan.
Ito ang panalangin Fr.Matthew Dauchez-executive director ng Tulay ng Kabataan Foundation sa Quezon City sa pagdalaw ng pilgrim relic ni St. Therese of the Child Jesus sa kanilang lugar.
“Santa Teresita sa pamamagitan mo sana mabigyan ng Panginoon ng kapayapaan sa bawat puso para mawala ang galit o tanim ng galit sa bawat puso at pagpapatawad ang magiging bunga ng pagdalaw mo sa amin. Para ang bawat puso ng bawat mga bata dito ay maging mapayapa. Sa pamamagitan mo sana ang lahat ng mga bata sa lansangan ay mabigyan ng paraan para magbagong buhay,” ayon kay Fr. Dauchez.
May 300 mga kabataan ng foundation ang nagkaroon ng pagkakataon na makalapit at magdasal sa relic makaraan na ring ipakilala sa mga batang ito kung sino si St. Therese at ang pagiging malapit nito sa mga street children.
Ayon kay Fr. Dauchez, ikinatutuwa nila na nagkaroon ng pagkakataon ang relikya na makadaan sa ‘shelter’ bagama’t hindi kasama sa schedule ng pagbisita nito sa Pilipinas.
Ang Pilgim Relic ni St. Therese na mula sa Lisiuex, France ay inaasahang maglilibot sa may 40 arkidiyosesis at diyosesis sa buong bansa simula Enero hanggang sa ika-31 ng Mayo, 2018.
Ito na rin ang ikaapat na pagdalaw ng relic sa Pilipinas na nagsimula noong taong 2000.
Ang Tulay ng Kabataan Foundation ay itinatag noong 1998 ng mga Heswita mula sa Pransya na kumakalinga sa mga street children.
Sa kasalukuyan ay may 24 na shelter homes ang Tulay ng Kabataan, kung saan isa sa dinalaw ni Pope Francis noong 2015 ang isa sa sangay nito sa Intramuros, Manila.