563 total views
Nilinaw ng financial analyst na si Astro Del Castillo na hindi epekto ng May 9, 2022 elections ang paghina ng ekonomiya.
Ipinaliwanag ni Del Castillo, Managing Director ng First Grade Financing Corporation na sanhi ng paghina ang ibat-ibang suliraning pang-ekonomiya na nararanasan ng buong mundo.
Tinukoy ni Del Castillo ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine, mataas na presyo ng gasolina sa pandaigdigang mercado at COVID-19 pandemic.
“So talagang overall halos 99% ay or 95% ay sa kadahilanan na external factor. Masasabi natin na walang capital flight sa kadahilanan na ang piso ay stable naman kahit na nasa around 52.50php siya,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Del Castillo.
Inihayag ni Del Castillo na kabilang din ang paghinto ng ilang bansa sa pag-aangkat ng mga produkto at pag-iral ng mga lockdown na balakid sa kalakalan sa pagitan ng mga bansa.
Sa kasalukuyan ay hindi nag-aangkat ang India ng produktong trigo na pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay habang ang Indonesia naman ay ipinatigil na ang pag-aangkat ng palm oil.
Ginawa ni Del Castillo ang paglilinaw kasunod ng pagbagsak ng Philippine Stocks Exchange (PSE) ng 1.89% matapos maisapubliko ng Commission on Elections (COMELEC) ang partial unofficial results ng naganap na halalan.