3,153 total views
Naniniwala ang isang Ekonomista na malaki ang epekto ng mataas na inflation sa paghina ng Ekonomiya sa Bansa.
Ayon kay si Astro Del Castillo, President and Managing Director ng First Grade Finance, Inc. dapat maging mapagmatyag ang pamahalaan sa mga grupong sinasamantala ang sitwasyon ng bansa partikular sa mataas na presyo ng mga bilihin.
“Definitely the runaway Inflation has been a drag to our Economy,” pahayag ni Castillo sa Radio Veritas.
Giit ni Castillo, gumagawa na rin ng hakbang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang tugunan ang pagtaas ng inflation rate sa bansa noong Hulyo kung saan naitala ang 5.7 porsiyentong pagtaas.
“Monetary Authorities have now triggered more monetary action to tame Inflation.” dagdag ni Castillo.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nangunguna ang mga produktong pagkain at transportasyon sa pinakamabilis ang pagtaas ng presyo dulot na rin ng mataas na presyo ng produktong langis sa pandaigdigang pamilihan.
Mas mataas ang naitalang inflation rate kumpara sa inaasahan ng pamahalaan na 2 hanggang 4 na porsiyento sa pagtatapos ng termino ng Administrasyong Duterte.
Naniniwala rin si Castillo na maliit ang epekto ng TRAIN Law 1 sa inflation rate sa Pilipinas kundi mas nakakaapekto dito ang paghina ng piso laban sa dolyar at ang mababang suplay ng mga produkto tulad ng bigas.
Nagpahayag din ng pagkabahala ang Simbahang Katolika sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin sa bansa kung saan pawang mahihirap ang higit na naaapektuhan.