256 total views
Parehong makikinabang ang mga 15 milyong overseas Filipino workers (O-F-W) at 600,000 call centers ng industriya ng Business Processing Outsourcing o B-P-O sa patuloy na paghina ng piso kontra dolyar.
Ayon kay Astro Del Castillo, ekonimista, kahit mahina ang piso at iba pang pera sa ibang bansa sa palitan ng salapi ay epekto pa rin ito ng lumalakas na ekonomiya ng Amerika matapos ang pagkakahal kay President Donald Trump.
Iginiit naman ni Del Castillo, na kahit humihina ang piso at lumalakas ang dolyar ay nakatutulong naman ito sa remittances na ipinapadala ng mga OFWs dahil sa lalo silang nakagastos at siya rin namang ikalalago naman ng mga BPO companies sa bansa.
“Positibo, for now ang OFWs natin matutuwa sa mas malakas na palitan. Para sa kanila lalakas ang kanilang consuming power at makakagastos sila. Usually sila talaga ang gumagastos sa ekonomiya, mas nakakatulong ito para sa ating pag – unlad. Pangalawa, ang kita ng BPO kapag nade – deficit ang piso maganda ang kita nila mas posibleng lumago ang BPO dito sa bansa,” bahagi ng pahayag ni Del Castillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Dagdag pa ng ekonomista na mas lalong lalago ang mga exporters sa bansa lalo’t mas mababa ang piso at mas mura ang produkto, serbisyo at bilihin sa bansa.
“Pangatlo, ang ating exporters magbe – benefit dito sa mahinang piso dahil mas lalakas ang kanilang kita. Mas magiging mura sa ating bansa ang ating produkto at serbisyo at bilihin na magpapalakas sa ating exporters na magbebenipisyo ang ating ekonomiya,” giit pa ni Del Castillo sa Radio Veritas.
Sa huling foreign exchange rate bulletin ng Bangko Sentral ng Pilipinas umabot sa P49.86 ang palitan kada isang dolyar.
Samantala, batay rin sa BSP noong 2014 $24 bilyon ang kontribusyon ng nasa 11 milyong OFW, pangalawa lang ang Business Processing Outsource (BPO) o sektor ng call center na nakapagpapasok naman ng $18 bilyon.
Nauna na ring binanggit ng Kanyang Kabanalan Francisco na nawa nagagamit ng matiwasay ang mga salaping kinikita at hindi lamang ito inaaksaya sa mga walang kwentang bagay.