398 total views
Itinuturing na isang welcome development ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care ang pagbabago ng posisyon nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senator Panfilo Lacson sa muling pagbabalik ng capital punishment na death penalty sa bansa.
Sa opisyal na pahayag na ipinaabot ni Legazpi Bishop Joel Baylon – chairman ng kumisyon sa Veritas Patrol, ibinahagi ng Obispo ang kagalakan sa pagbabago ng pananaw at pagtutol ng dalawang mambabatas na dating nagsusulong parusang kamatayan sa Pilipinas.
Ayon sa Obispo, ang naturang pagbabago sa posisyon ng dalawang senador na magkatambal na standard bearers ng Partido Reporma at Nationalist People’s Coalition bilang 2022 presidential at vice presidential aspirants sa usapin ng death penalty ay higit pang makapagpapalakas sa adbokasiya ng Simbahang Katolika laban sa anumang tangka na muling isabatas ang parusang kamatayan sa bansa.
“The CBCP Episcopal Commission on Prison Pastoral Care welcomes the recent announcement of Senate President Vicente “Tito” Sotto III and Senator Panfilo Lacson that they are now against the death penalty. Coming from two prominent and veteran legislators, this will boost the Church’s advocacy against any moves to reintroduce capital punishment in our statute books.” Ang bahagi ng pahayag ni Legazpi Bishop Joel Baylon sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Obispo, hindi kailanman magbabago ang paninindigan at posisyon ng Simbahang Katolika laban sa muling pagpapatupad ng parusang kamatayan sa bansa na hindi kailanman tugon sa kriminalidad sa lipunan.
Paliwanag ni Bishop Baylon sa halip na muling isabatas ang capital punishment ay mas nararapat na tiyakin ng mga alagad ng batas ang pagpapatupad ng due process at pagpapanagot sa mga nagkasala sa isang makatarungan pamamaraan.
“We maintain that it is not the severity of punishment, but the certainty that a person who commits a crime will be held accountable for his acts and omissions, is what will deter crime. Capital punishment is not and will never be a solution to crime: it is punitive and disregards the dignity which is inherent in every human person.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Giit ng Obispo, mas nararapat na tutukan at pag-aralan ng pamahalaan ang alteratibong pagpapatupad ng reform-based corrections program sa bansa na nagsusulong ng rehabilitasyon at reporma sa mga bilanggo na nakagawa ng iba’t ibang mga kasalan, krimen at paglabag sa batas.
Ayon kay Bishop Baylon ang pagbabagong buhay at pagsisisi ng mga bilanggo sa kanilang mga nagawang kasalanan sa buhay ay ang tunay na diwa ng katarungan na dapat na manaig sa bansa.
sa halip na ang mapagparusa at marahas na pagkitil sa buhay ng mga nagkasala sa lipunan.
Matatandaang taong 1992 pa lamang ay isa na sa mga naunang panukalang batas na inihain ni Sotto sa Senado ay ang pagbabalik ng death penalty sa bansa habang taong 2019 naman ng ihain ni Lacson ang Senate Bill 27 na nagsusulong ng pagbabalik sa parusang kamatayan .
Sa pinakahuling virtual press conference nina Lacson at Sotto ay kapwa inihayag ng dalawang senador ang pagbabago sa kanilang posisyon at pananaw kaugnay sa usapin ng muling pagbabalik ng death penalty sa bansa.