206 total views
Ikinatuwa ng Catholic Bishop Conference of the Philippines–Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang paglagda ng Pangulong Aquino sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, magbibigay sa mga overseas Filipino workers (OFWs) ang naturang batas ng mataas na tax exemption ceiling sa mga ‘balikbayan boxes’ mula P10,000 hanggang P150,000.
Paliwanag pa ni Bishop Santos na dahil sa naturang batas hindi na kinakailangan pang istriktong inspekyunin ng mga opisyal ng Bureau of Customs (BoC) ang mga ‘balikbayan boxes,’ at maiwasan na ang pagnanakaw sa ilan sa mga laman ng kanilang ipinapadala.
“It is a good news to our OFW, and we are grateful for making it a law. A relief and assurance for our OFW as they can pay less to send balikbayan boxes and they can send more to their loved ones. With increased tax exemptions custom officials don’t have to strictly inspect Balikbayan boxes, and so stealing some items or destruction of balikbayan boxes will be avoided,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Veritas Patrol.
Sa ilalim din ng nasabing batas, magiging mas transparent ang Customs at papatawan ng mas mataas na parusa ang mga smugglers.
Nasa 350 pahina ang kalalagdang batas kaugnay sa BoC.
Nabatid na ayon mismo sa BoC, nasa 1,500 containers ng balikbayan boxes ang pumapasok sa bansa kada buwan o katumbas ito ng 18,000 kada taon o umaabot sa 7.2 milyong balikbayan boxes.
Nauna na ring kinilala ni Pope Francis ang sakripisyo at pagsusumikap ng may 15 milyong overseas Filipino workers (OFWs) sa buong mundo.
Ayon sa Santo Papa, napakahalaga ng tungkulin ng milyun-milyong Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa sa pagtulong sa pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas.