183 total views
Ikinagalak ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na nakahandang tanggapin ang mga Rohingya refugee mula Myanmar.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI), nakahanda ang kanilang tanggapan na makipagtulungan sa pamahalaan sa pagkalinga sa mga refugees na karamihan ay mga Muslim.
“It is inspiring and encouraging statement of the President. With his welcoming and accommodating gestures, we at CBCP-ECMI, are so happy to cooperate and collaborate,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Magugunitang sa talumpati ni Pangulong Duterte sa pagtitipon ng alkalde sa bansa noong ika – 26 ng Pebrero, sinabi nitong handang tanggapin ang mga Rohingya kung wala itong mapupuntahan at maaring mabigyang pagkakataon na maging Filipino citizen.
Binigyang diin ni Bishop Santos na bahagi ng adbokasiya ng Simbahang Katolika ang pagkalinga sa mga nangangailangan ng tulong lalo na ang mga tumatakas sa kanilang lugar bunsod ng iba’t ibang uri ng suliranin tulad ng karahasan at kahirapan.
“For our Catholic Church there are no walls, no borders. She is a Mother to accept and to accommodate; to help and to care,” dagdag pa ng Obispo.
Sa tala ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs, higit sa 700, 000 ang mga Rohingya refugees mula nang sumiklab ang kaguluhan sa isang lugar sa Myanmar noong 2017.
Sinabi pa ng pinuno ng CBCP – ECMI na sa pahayag ng Pangulo ay maipakikita ang tunay na kaugalian ng mga Filipino na mapagkalinga sa kapwa na unang ipinakita sa refugees na Vietnamese noong 1975 bunsod ng Vietnam War.
“Our Country is very compassionate and hospitable society. We are very helpful and loving people. We have shown this with the way we accepted and treated the so called ‘boat people’ during the Indochina war,” ani ni Bishop Santos.
Aniya ito rin ay nababatay sa pahayag ni Jesus na nailathala sa banal na kasulatan sa ebanghelyo ni San Mateo kabanata 25 talata 35 ‘naging dayuhan ako at pinatuloy ninyo ako.’