249 total views
Ito ang mensahe ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari kaugnay ng pagdiriwang ng Palm Sunday kasabay nang pagsasagawa ng Alay Kapwa Sunday o ang pagkakaroon ng second collection para sa mga social services lalu na sa mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay Bishop Mallari, ginagamit din ang pondo para sa iba’t-ibang programa ng simbahan kabilang na ang pagtulong sa mga kababaihan, kabataan, mga manggagawa tulad ng magsasaka at mangingisda na layuning i-angat mula sa kahirapan ang mamamayan.
Giit ng Obispo ito ay panawagan sa mga mananampalataya na madama ang pangangailangan ng kaniyang kapwa hindi lamang ng sarili.
“Mas maging sensitive tayo sa pangangailangan ng madami na nakapaligid sa atin. Many times ‘yung tendency natin is just to be concerned about ourselves, the concern of the family na ngayon ay hamon ay to go out ourselves, go out of our families para mas maging sensitive mas marami pa pala ang mas nangangailangan sa atin in that way ma-realize natin hindi lang pala tayo ang nahihirapan meron pa palang mas nahihirapan na dapat nating pagtulong-tulungan,’’ ayon kay Bishop Mallari.
Hinihikayat din ni Bishop Mallari ang lahat ng mananampalataya na suportahan ang Alay Kapwa Telethon ng Caritas Manila- ang social arm ng Archdiocese of Manila hindi lamang ngayong Semana Santa kundi maging sa lahat ng mga pagkakataon.
Ayon sa Obispo, malaking bagay ang anuman na ating maiiambag sa proyekto ng simbahan para sa ating kapwa.
“Makiisa tayo sa proyekto ng Caritas Manila, malaking bagay po ang maliit pero malimit na pagtutulungan natin. Huwag lang sana po ngayong Holy Week ito ay isang pagkakataon pero marami pang pagkakataon na puwedeng ibigay sa atin ng Panginoon na huwag po tayong magsawa kundi sana madama natin habang tumutulong tayo lalu pa tayong nakakadama ng kaluwagan sa buhay at hindi lamang mas magaan na pakiramdam dahil nakakatulong tayo sa kapwa,’’ ayon pa kay Bishop Mallari.
Noong 2017 Caritas Damayan Alay Kapwa Telethon nakalikom ang Caritas at Radio Veritas ng P1.8 M na siyang ginamit na pondo sa may 15,000 pamilya sa buong bansa sa pamamagitan ng emergency relief assistance sa partikular na sa mga biktima ng lindol sa Surigao, bagyong Urduja at Vinta maging ang mga biktima ng digmaan sa Marawi City.