2,532 total views
Itinuring na malaking biyaya sa mananampalataya ang pagkatalagang Diocesan Shrine ng Our Lady of Fatima Parish sa Urduja Caloocan City.
Ayon kay Fr. Aristeo De Leon, kura paroko at rector ng dambana, ito ay makatutulong mapalago ang pananampalataya ng mamamayan at maging daan upang matuklasan ng tao ang kapayapaan tungo kay Hesus.
“Ito ang maging sentro na pupuntahan ng tao upang hanapin at maramdaman ang kapayapaan; ito’y magagawa sa pamamagitan ng Mahal na Birhen ng Fatima patungo sa kanyang anak na si Hesus na prinsepe ng kapayapaan,” pahayag ni Fr. De Leon sa Radio Veritas.
Binigyang diin ni Fr. De Leon na kasabay ng pagtalaga ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Fatima ang paalala sa mensahe ng Mahal na Birhen kina San Francisco, San Jacinta at Lucia noong nagpakita ito sa Fatima Portugal noong 1917 ang magdasal, magsakripisyo at pagbayad puri sa mga kasalanang nagawa ng tao.
Sinabi ng pari na sa pamamagitan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo at paggawa ng mabuti sa kapwa ay matamo ng tao ang kapayapaan ng puso na magbubuklod sa bawat pamilya at pamayanan.
Pinangunahan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang pagtalaga ng dambana kung saan sa pagninilay ay pinaalalahanan ang mga deboto sa tungkuling nararapat gampanan kasabay ng paghirang na pandiyosesanong dambana.
“Hindi ito basta lamang titulo o dangal ang tatanggapin kundi responsibilidad na dapat isabuhay; tungkulin ng bawat isa na ipalaganap ang mensahe ng Mahal na Ina na inihabilin sa tatlong bata,” mensahe ni Bishop Gaa.
Nataon din ang pagkahirang na dambana sa pagdiriwang ng ika – 50 anibersaryo ng parokya kung saan tiniyak ni Fr. De Leon ang pagpapalago ng mga programang makatutulong sa pananampalataya ng mamamayan kasabay ang paanyayang dalawin ang dambana sa pagsasagawa ng pilgrimage.
Naitatag ang parokya noong October 21, 1972 na unang pinangasiwaan ng misyonerong Columban.