402 total views
Hindi nagbabago ang paninindigan ng Simbahan laban sa mga mali at karahasang nagaganap sa lipunan.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm., Co-Executive Secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines sa naganap na Online State of Human Rights in the Philippines: A 2021 SONA Evaluation kaugnay sa ika-6 at huling State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon sa Pari na siya ring Chairperson ng Task Force Detainees of the Philippines at Vice Chairperson ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates o PAHRA, hindi magbabago ang paninindigan ng Simbahan laban sa karahasan, pagpaslang, katiwalian at pagkasira ng kalikasan gayundin ang pagsusulong sa karapatang pantao at buhay ng bawat indibidwal.
“Ang AMRSP consistent sa mga pronouncements about sa stop the killings, about pagpapahalaga ng karapatang pantao, about mining, itigil ang paninira ng kalikasan consistent ang Simbahan, consistent ang posisyon ng AMRSP lalong lalo na, sa TFDP naman consistent din kami na dapat matigil na ang human rights violation in all levels,” pahayag ni Fr. Buenafe.
Ipinaliwanag ng Pari na bahagi ng matagal ng hinahangad na kapayapaan sa bayan ay ang kasaganahan sa buhay ng bawat mamamayan.
“Ang peace na usapin kwestyunable pa yan, if there is hunger there is no peace, if there is unemployment that’s not peace it’s a situation of unpeace people still don’t know or refuse to know, that’s the problem,” dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Partikular namang tinukoy ni Fr. Buenafe na isang problema sa lipunan ang pagdi-diyos-diyusan ng ilang mga opisyal ng pamahalaan na tahasang nagdidesisyon sa kung sino ang dapat na mabuhay o mamatay.
Iginiit ng Pari na walang karapatan ang sinuman na magdesisyon sa buhay na ipinagkaloob ng Panginoon sa sangkatauhan kaya’t naaangkop lamang na manindigan ang taumbahan at maging ang Simbahan laban sa karahasang lumalaganap sa lipunan.
“The problem also sa ating lipunan ngayon there are a lot of people who play God, you know if you play God you feel you are God parang you have the sole right to decide who has the right to live and who should die, that’s not correct, that’s not right and people must speak out, the human right defenders must speak out,” ayon pa kay Fr. Buenafe.
Pagbabahagi ni Fr. Buenafe, may 6 na taon ang isang pangulo ng Pilipinas upang pangasiwaan ang bansa patungo sa pag-unlad at kasaganahan na magagawa sa pamamagitan ng mapayapa at makataong pamamaraan na taliwas sa karahasan higit na nangibabaw sa pamamahala ng kasalukuyang administrasyon.