153 total views
Ang pag-aalay ng sarili at pagsasakripisyo para sa kabutihan ng mas nakararami ang halimbawang dapat tularan sa Panginoon ng mga nagnanais na magsilbi bilang mga opisyal ng bayan.
Ito ang binigyang diin ni Rev. Fr. Dennis Soriano – Rector ng Immaculate Conception Cathedral of Cubao o Cubao Cathedral kaugnay sa papalapit na midterm elections.
Ibinahagi ng Pari na hindi magiging ganap ang paglilingkod ng sinuman kung walang tunay na pagsasakripisyo tulad ng ginawa ng Panginoon sa kanyang bugtong na anak na Hesus upang mailigtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan.
“Importante yung pagiging Good Shepherd ng ating Panginoon, ibig sabihin hindi sarili ang iniisip pero iniisip yung kapwa tapos importante yung espiritu ng sakripisyo, hindi magiging tunay ang paglilingkod kapag walang sakripisyo so yung pag-iisip ng kabutihan ng iba, ng kapwa at saka yung kakayahan para magsakripisyo ay mahalagang halimbawa ng Panginoon yan para sa mga lider natin…” pahayag ni Fr. Soriano sa panayam sa Radyo Veritas.
Ipinaliwanag ng Pari dapat na malaman ng bawat isa na kaakibat din ng pananampalataya ang pakikibahagi sa mga usaping panlipunan at usaping pulitika kung saan dapat na maisabuhay ng lahat ang pagiging matapat, pagsugpo sa korapsyon at paglilingkod sa mga mahihirap.
Iginiit ni Fr. Soriano na mahalaga ang mga nasabing katangian para sa mga iluluklok na mga opisyal para sa kapakinabangan ng marami at magpapabuti sa kalagayan sa lipunan.
“Ang importante laging maintindihan na yung pananampalataya ay dapat may pakialam talaga yan sa pulitika, sa pagiging lider. Yung mga hinihingi sa atin ng pananampalataya ay kailangan makita natin na isinasabuhay din yung honesty, yung paglaban natin sa kurapsyon tapos lalo na yung paglilingkod sa mahihirap, importante yun sa bawat kandidato kasi yan naman ang halimbawa ng Panginoon sa atin. Kapag ang lider talagang sineryoso yung paglilingkod maraming makikinabang, maraming bunga ang pwedeng ipagkaloob niyan sa mga tao…” paliwanag ni Fr. Soriano.
Kaugnay nito, isinagawa sa Cubao Cathedral noong ika-29 ng Abril ang Misa at Peace Covenant signing ng mga kandidato sa lokal na pamahalaan ng Quezon City.
Pinangunahan ang pagtitipon ng Quezon City Chapters ng Commission on Election (COMELEC), Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) na naglalayong makita ang pakikiisa ng mga kandidato sa paghahanggad na magkaroon ng matapat at maayos na halalan sa syudad.