2,837 total views
Isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada ang pagdideklara na heritage site ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o Baclaran church at paligid ng simbahan.
Sa Senate Bill No. 2278 ni Estrada, binigyang diin nito na bahagi ng espiritwal na buhay ng mga Pilipino ang simbahan ng Baclaran gayundin sa makasaysayang tradisyon ng mamamayan na mayorya ay mga katoliko.
“Hindi maikakaila na ang Redemptorist Church na kilala rin bilang National Shrine of Our Mother of Perpetual ay isa sa pinakasikat na simbahan sa bansa at itinuturing na isa sa pinakamalaking Marian churches sa bansa na umaakit ng maraming deboto at turista.” bahagi ng pahayag ni Estrada.
Kamakailan ay kinilala ng National Museum of the Philippines ang Baclaran Church bilang “important cultural property” ng bansa.
Layunin ng inihaing panukala ni Estradda na itatag ang polisiyang magpapanatili sa kahalagahan ng kasaysayan at panlipunang kultura gayundin ang pagtiyak sa accessibility, kaginhawaan at kaligtasan ng bawat debotong bumibisita sa dambana.
Sa paghirang na heritage site at tourist destination, aatasan ang Department of Tourism (DOT) na makipagtulungan sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), Department of Public Works and Highways (DPWH), lokal na pamahalaan ng Parañaque, at iba pang stakeholders na magbalangkas ng plano para mapaunlad ang turismo sa lugar kabilang na ang pagtatayo ng angkop na pasilidad sa Baclaran Church.
Inihayag ng mambabatas na ang pondo para sa implementasyon ng tourism development plan ay isasama sa budget ng lokal na pamahalaan ng Parañaque habang ang DOT naman ang magbibigay ng technical assistance sa tourism capacity building ng Baclaran Church.
Sa datos nasa 130 mga simabahan sa bansa ang kinilala ng pamahalaan na Important Cultural Property, National Historical Landmark, at National Cultural Treasure dahil sa pagiging bahagi ng mayamang kasaysayan ng bansa.