6,839 total views
Binigyang-diin ni Tagum Bishop Medil Aseo ang mahalagang gampanin ng simbahan sa pagkilala at pagtugon sa pangangailangan ng mga katutubo, lalo na sa pangangalaga ng kalikasan.
Ayon kay Bishop Aseo, dapat kilalanin ang kultura at ambag ng mga katutubo, na likas na mga tagapangalaga ng mga likas na yaman, at nagpapakita ng pamumuhay kaisa ang kalikasang biyaya ng Diyos sa sangkatauhan.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa pagdiriwang ng National Indigenous Peoples’ Month ngayong Oktubre at Indigenous Peoples’ Sunday ngayong October 13—ang pagtatapos ng pagdiriwang ng Season of Creation sa Pilipinas.
“Though our responsibility as stewards of God’s creation remains ongoing—it has been a time for us to reflect more on our shared duty to care for the world entrusted to us. The indigenous peoples, especially in their respective areas have long embodied this stewardship. In their simple way of life, they remind us of the importance of creation, something we must protect as we face the growing ecological crises,” pahayag ni Bishop Aseo sa panayam ng Radio Veritas.
Aniya, sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha ngayong taon, ito’y naging pagkakataon upang higit na pagnilayan ang kolektibong tungkuling pangalagaan ang nag-iisang tahanan.
Sinabi ng obispo na ang mga katutubo, sa payak at tradisyonal na pamumuhay, ay nagsisilbing huwaran sa wastong pagpapahalaga at pangangalaga sa kalikasan sa kabila ng lumalalang krisis pangkalikasan.
Ibinahagi naman ni Bishop Aseo na ang diyosesis, sa pamamagitan ng Tagum Social Action Ministry at pakikipagtulungan ng Caritas Philippines, ay gumagawa ng makabuluhang hakbang upang tugunan ang pangangailangan ng mga katutubo, lalo na sa Caraga Region sa bahagi ng Maragusan, Davao de Oro.
Kabilang sa mga proyekto ay ang pagbibigay ng malinis at ligtas na suplay ng tubig sa mga katutubong pamilya sa mga malalayo at liblib na lugar.
“Access to clean, safe water is not just a basic human need—it is a fundamental human right. This initiative holds significance beyond the Diocese of Tagum. It is only of the things that can be accomplished when the Church, together with its partners, stands in solidarity with the most vulnerable,” ayon kay Bishop Aseo.
Tema ng Linggo ng mga Katutubo sa susunod na dalawang taon ang “Lakbay-Laya: Kalakbay nang may Pag-asa sa Lupaing Ninuno”.
Nakasaad sa Laudate Deum ni Pope Francis na bagamat mahalaga ang mga pansariling pagkilos, ang tunay na solusyon ay mangyayari sa pamamagitan ng maayos at wastong pagbabago sa mga patakaran at programa ng pamahalaan at mga institusyon.