2,727 total views
Naniniwala ang pamunuan ng National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral na makatutulong sa paglago ng debosyon at pagyabong ng pananampalataya ang pagiging international shrine ng dambana.
Ayon kay Shrine Rector at Parish Priest Fr. Reynante Tolentino higit mailalapit ng Mahal na Birhen ang mga deboto sa kanyang Anak na si Hesus.
“Mahalaga itong pagdeklarang international shrine kasi makatulong ito para mapalalim ang pananampalataya ng tao at matulungan ng Mahal na Birheng ilapit sa Panginoong Hesukristo,” pahayag ni Fr. Tolentino sa panayam ng Radio Veritas.
Magandang pagkakataon din ang effectivity ng international shrine status ng simbahan dahil kasabay ito sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Paghahayag ng Mabuting Balita ng Panginoon at ginunita rin ang ika – 397 anibersaryo ng dinala sa Pilipinas mula Mexico ang imahen noong March 25, 1626.
Itinuring ni Fr. Tolentino na malaking biyaya mula sa Diyos ang pagkahirang na international shrine sapagkat ito ang kauna-unahan sa Pilipinas at buong Southeast Asia habang ika – 11 naman sa buong daigdig.
Sinabi ng pari na maging bahagi ito sa pagpapalawak ng ebanghelisasyon sa simbahan kaya’t inaanyayahan ang mga deboto na dumalaw sa dambana at tanggapin ang mga pagpapala mula sa Panginoon.
“Tulad ng sinabi ni Pope Francis na ang ating mga shrines ay pwede maging powerhouse of evangelizations, bilang international shrine may mga blessings and indulgences na ipinagkakaloob ang simbahan,” ani Fr. Tolentino.
Batay sa kasaysayan dumating ang imahe ng Birhen ng Antipolo sa Pilipinas noong July 18, 1626 at inilagak sa simbahan ng San Ignacio sa Intramuros na pinangasiwaan ng mga Heswita habang 1632 nang inilagak ito sa simbahan ng Antipolo kasunod ng pagpanaw ni Governor General Juan Nino Tabora.
June 18, 1925 nang pagkalooban ng Pontifical Decree of coronation ang imahe habang November 28, 1926 nang isagawa ang makasaysayang canonical coronation sa Nuestra Senora dela Paz y Buen Viaje sa Luneta sa pangunguna ni noo’y Manila Archbishop Michael Jame O’Doherty.
Ikinalugod ni Fr. Tolentino na makalipas ang halos pitong dekada mula nang hiranging kauna-unahang National Shrine ng Pilipinas ay muli itong hinirang na unang international shrine ng bansa na isang karangalan sa bawat deboto ng Mahal na Birhen ng Antipolo gayundin sa mamamayang Pilipino.
Nakatakda naman sa Hulyo ang Solemn Declaration ng simbahan bilang International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage.