3,235 total views
Ikinagalak ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagkakahirang sa bagong kalihim ng Department of Health.
Ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Health Care vice chairman, Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio, ang pagkakatalaga kay Secretary Teodoro “Ted” Herbosa ay magandang hakbang upang higit na magabayan ang pamamahala sa sektor ng kalusugan sa bansa.
“With the appointment of Sec. Ted Herbosa for the Department of Health, we thank the Lord for this choice because at least, we shall be guided once again in the resolution of the concerns of the Department of Health.” pahayag ni Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.
Si Herbosa ang dating undersecretary ng DOH mula 2010 hanggang 2015 na nanguna sa mga programa tulad ng Hospital Accreditation Commission, modernisasyon ng Philippine Orthopedics Center, at pagsusulong ng Public-Private Partnerships sa sektor ng kalusugan.
Nagsilbi rin ang bagong kalihim bilang dating adviser ng National Task Force (NTF) for COVID-19.
Umaasa naman si Bishop Florencio na sa pamumuno ni Herbosa sa Kagawaran ng Kalusugan ay matutugunan at mabibigyang-pansin ang mga usaping pangkalusugan na mahalaga para sa kapakanan ng bawat mamamayan.
“Taking care of the concerns would mean addressing the difficulties that swarm our lives with much ease.” saad ni Bishop Florencio.
Halos isang taon nabakante ang posisyon para sa DOH Secretary makaraang magtapos ang termino ni dating Health Secretary Francisco Duque III noong Hunyo 30, 2023, at pansamantalang pinamunuan ni Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire mula Hulyo 14, 2022 hanggang Hunyo 5, 2023.