479 total views
Si Hesus ang natatangging huwaran ng pagiging isang mabuting lider hindi lamang ng Simbahan kundi maging ng pamahalaan.
Ito ang pagninilay ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa paggunita ng Good Shepherd Sunday.
Ayon sa Obispo, ang pagiging isang mabuting lider ay tulad ng isang mabuting pastol na buong puso at lakas na pinangungunahan, pinangangalagaan at pinoprotektahan ang kanyang kawan mula sa anumang kapahamakan o kasamaan.
“As a shepherd leads, provides, defends and cares for his flock, so should the leaders do to the people. Maliwanag sa ating ebanghelyo ngayon na inilalarawan ni Jesus na siya ay pastol, at hindi lang pastol, siya ay mabuting pastol. As believers, let us take Jesus as a model of what a leader should be, whether our religious leaders or our government leaders.” ang bahagi ng pagninilay ni Bishop Broderick Pabillo.
Paliwanag ng Obispo, tulad ni Hesus ang mabuting lider ng Simbahan, pamahalaan o anumang uri ng samahan ay dapat na mayroong malasakit sa kanyang pinamumunuan at handang itaya ang kanyang sarili.
Ibinahagi ni Bishop Pabillo na ang mga katangiang ito ang dapat na bantayan at maging batayan ng bawat mamamayan partikular na sa pagpili ng mga karapat-dapat na lider ng bansa sa papalapit na halalan sa susunod na taon.
Iginiit ng Obispo na dapat na suriing mabuti ng bawat isa ang tunay na intensyon ng bawat politiko na nagnanais na maluklok sa katungkulan.
“Si Jesus ang modelo ng leadership. Ganito ba ang ating mga leaders – sa simbahan man, sa gobyerno, sa business o sa ating mga organisasyon? Ang leader ba natin ay may malasakit sa pinamumunuan niya at tinataya ang kanyang sarili para sa nasasakupan?” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Partikular namang pinuna ni Bishop Pabillo ang kasalukuyang kalagayan ng pulitika sa bansa kung saan sa halip na ang paglilingkod bilang mabuting lider ang tinututukan ng mga politiko ay ang posisyon at kapangyarihan na kaakibat nito ang pinanghahawakan at pinag-aagawan.
Ayon sa Obispo, kapansin-pansin ito lalo na sa talamak ang political dynasty at mahigpit na pagkapit sa posisyon ng mga pamilyang politiko hindi upang patuloy na makapagsibli sa mamamayan kundi upang hindi maalis ang kapangyarihan at mapagtakpan ang kanilang mga maling nagawa.
“Pero iba yata ang nangyayari. Pinag-aawayan ang posisyon kasi mas malaki ang makukuha nila dito. Kaya nga ayaw bitawan ang pork barrel. Ngayong malapit na ang election usisain natin ang mga namumuno sa atin. Nakinabang ba sila sa kanilang posisyon? Mas yumaman ba sila sa kanilang tungkulin? Kaya nga ayaw nila magbitiw sa kanilang posisyon at kapit tuko sila dito na pati ang kanilang pamilya ay pinapaluklok nila. Hindi naman dahil sa gusto nilang maglingkod, kundi ayaw mawala ang kanilang benepisyo at ayaw masilip ang kanilang ginawa – kaya isinusulong nila ang political dynasty.” Ayon kay Bishop Pabillo.
Hindi naman ikinaila ng Obispo na maging sa Simbahan ay mayroon din mga lider na hindi ganap na ginagampanan ang kanilang tungkulin na pamunuan at pangalagaan ang kanilang kawan
Hinikayat naman ni Bishop Pabillo ang bawat isa na ipagdasal ang mga lider ng bansa upang magbago at magkaroon ng mas maayos na pamumuno lalo na sa gitna ng patuloy na malawakang epekto ng COVID-19 pandemic.
Hinimok rin ng Obispo ang lahat na ngayon pa lamang ay ipagdasal na ang pagtakbo at pagkakaluklok sa nakatakdang halalan ng mga mabubuting lider na tunay na magsisilbing pastol at magdadala ng kasaganahan sa mamamayan.
“Ang bawat isa naman sa atin ay maaaring magdasal para mga leaders natin ngayon na magbago naman sila, na ayusin naman nila ang kanilang pamumuno kasi gutom na ang mga tao, tumataas ang bilang ng mga may sakit, at marami na ang namamatay, at ngayon palang magdasal na tayo ng mabubuting leaders na tumakbo at mahalal sa election next year. It is never too early to start praying now for good leaders for next year’s elections.” Apela ni Bishop Pabillo