440 total views
Hinimok ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na pagsumikapang magkaroon ng tapat at mapag-arugang puso.
Ipinaliwanag ng Kardinal sa kanyang homiliya sa Mary Comforter of the Afflicted Parish sa Maricaban, Pasay na ang pagkahumaling ng tao sa kaniyang sarili ang nagiging dahilan upang mawala ang katapatan nito sa Diyos at nagiging matigas ang puso kapwa.
Aniya, sa halip na maging mapag-aruga ay napapalitan ito ng kawalang pakialam at kawalang paggalang na dahilan kaya’t nagiging ‘object’ o bagay ang turing ng tao sa kapwa.
“Ang taong ginagamit, nadudurog, naiinsulto, ang kanyang angking kagandahan, nayuyurakan. Nakakalungkot ang pag-aaruga, napapalitan ng paggamit. Ang tao na dapat mahalin, nagiging object, gamit na puwedeng bayaran,” bahagi ng pahayag ng Kardinal.
Iginiit nito na pagmamahal ang susi upang mabura ang pagiging ‘individualistic, objectified na pagturing sa tao at nagpapayabong at nagpapaganda ang katauhan ng bawat isa.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Kardinal Tagle ang kahalagahan ng ugnayan sa lahat ng aspeto ng buhay ng bawat tao.
Sinabi ng Kardinal na ang mga katangiang nagpapatigas sa puso ng tao ang siya ring nagpuputol sa ugnayan natin sa kapwa.
Dagdag pa ng Kardinal, kapag naputol na ang ugnayan natin sa ating kapwa ay hindi na titibok ang puso ng tao para sa kabutihan kundi para lamang sa sariling interes.
“Ang pagkamakasarili, nagpapatigil ng pagtibok ng puso, hindi ka na nagmamahal sa iba, minamahal lang ang sarili at yon ay katigasan ng puso.” Dagdag pa ng Kardinal.
Tiniyak ni Cardinal Tagle na ang puso ng mahal na ina ay kailan ma’y hindi tumigil sa pagtibok para sa mga tao, lalo na sa mahihirap, at hindi rin kailan man nagkaroon ng pansariling interes.
Inihayag ng Kardinal na hindi nagmamaliw ang pagmamahal ni Maria, at tulad ng isang ina ay lagi itong dumaramay sa mga nagdadalamhati, at nag-aaruga sa mga nagdurusa.
Dahil dito, umaasa ang kardinal na magsisikap ang bawat mananampalataya upang matularan ang mapag-aruga at tapat na puso ni Maria.
“Hindi nagmamaliw ang puso ng isang ina, laging tumitibok para sa anak, at ang ina hindi sarili ang inuuna kaya kaya n’yang dumamay sa maligaya man o sa nagdadalamhati… Pangatawanan natin, kung s’ya nga ang ating ina, ang puso natin, sana kasing tapat, kasing maarugain, kasing madamayin, katulad ng kan’yang puso.” pahayag ni Kardinal Tagle