204 total views
Nakadepende sa ibinabalita ng media ang kaisipan ng mamamayan sa mga pulitiko o nasa gobyerno kung nagnanakaw o naglilingkod ang mga ito.
Sa Veritas Halalan Truth Forum, sinabi ni Harvey Keh, Executive Director ng Acts for Hope for the Nation (AHON), walang magandang ibinabalita ang media kundi puro negatibo o kasiraan ng mga nagseserbisyo kayat ito na ang tumatak sa publiko.
Inihalimbawa ni Keh ang mga magandang nagawa ni Jesse Robredo, dating kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na lumabas lamang sa publiko nang ito ay pumanaw na.
“Laging napapanood nila, laging nababalita ang mga pulitiko at mga lider ng gobyerno na mga corrupt, hindi nababalita ang mga pulitikong may magandang nagawa, hindi balita pag maganda ang ginawa halimbawa nung mamatay si Jesse Robredo saka lang siya nakilala, kaya siguro ang mga tao iniisip pare-pareho na, hindi nila nababalitaan na marami pa ring magagaling na pulitiko sa ating pamahalaan.” Pahayag ni Keh sa Veritas Truth Forum.
Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Carlos Buasen Jr., ng Office on Education Culture and Health-National Council for Indigenous Peoples (OECH-NCIP) kung saan aniya, nagkakaroon ng ‘stereotyping’ dahil sa mga balitang lumalabas na maling gawain ng mga lider o mga nasa pamahalaan sa halip na ang magaganda nilang nagawa.
Ayon sa dalawa, marami pa ring lingkod ang gobyerno na matitino subalit hindi sila nakikilala dahil hindi pinapansin ng media ang mga mabubuti nilang nagawa para sa bayan
“Nagkakaroon ng stereotyping gawa ng kalimitang lumalabas sa media ang mga maling gawain ng ating mga leader, lumalabas ang mga maling gawin ng mga lider natin, especially yung mga nasa mababang lokal na pamahalaan, kung na highlight paisa-isa ang kanilang ginagawa in terms of community building, kalimitan nagkakaroon ng mindset ng stereotype na tatakbo lang para kumita hindi para mga trabahop at i-build ang mga communities pero marami tayong liders na matitino,” ayon kay Buasen.
Ngayong May 9, 2016 elections, hinihimok ng Simbahang Katolika ang may 54.6 milyong botante na maghalal ng pinuno na isang tunay na community builder, maka-kalikasan, maka-mahirap at maka-Diyos.