390 total views
Hinimok ng Divine Renovation Ministry ang mananampalatayang Pilipino na higit ipanalangin ang mga pari sa pagpapatuloy ng kanilang misyon sa Simbahan.
Ito ang mensahe ni Anna Stuart, Director ng Global Operations ng grupo sa huling yugto ng ikawalong Philippine Conference on New Evangelization na ginanap sa Lay Force Center sa San Carlos Seminary, Makati City.
Sa panayam ng Radio Veritas sinabi ni Stuart na marapat magbuklod ang mamamayan sa pananalangin na sa tulong ng Espiritu Santo ay gabayan ang bawat pastol ng Simbahan sa pagpapalago ng misyon ni Hesus lalo na sa mga komunidad.
“Let’s pray for the holy spirit to cloth us in power for the task of renewing the church. Let’s pray that our hearts serve the desire to renew the church. Let’s pray that priests are emboldened with, filled with courage and confidence so that we can live forward,” pahayag ni Stuart sa Radio Veritas.
Tema ng PCNE 8 series ang ‘Transforming Parishes 2022’ na layong palakasin ang mga parokya sa bansa na labis apektado ng pandemya at iba pang suliranin ng lipunan.
Sinabi ni Stuart na pangunahing layunin ng Divine Renovation Ministry na pinasimulan ni Fr. James Mallon sa Halifax Canada ay matulungan ang pagpapanibago ng parokya mula ‘maintenance parish’ tungo sa pagiging ‘mission parish’.
“I have the great privilege in this ministry of seeing stories of hope, of seeing priests who might have become the solution or overwhelmed in their priesthood to find hope in evangelization. I find hope in understanding how to live better. I find hope in surrounding themselves with team members and I find hope in reconnection to the holy spirit,” ani Stuart.
Matatandaang mahigit tatlong daang mga pari kasama ang ilang obispo ang dumalo sa PCNE 8 series na aktibong nakibahagi sa talakayan.
Ibinahagi ni Stuart na sa limang taong pagmimisyon ng Divine Renovation Ministry mahigit na sa 500 mga pari ang kanilang nakatagpo sa 27 mga bansa kabilang na ang Pilipinas. Ikinagalak ng opisyal ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino lalo na ng mga pari.
“Let’s pray that the laity come around their priests and support them, to encourage them to help them and, together as a catholic church, the catholic church is the people that we are inspired and emboldened to move forward for renewal,” dagdag ni Stuart.
Ang PCNE 8 series ay inilunsad ng Office for the Promotion of the New Evangelization ng Archdiocese of Manila sa pakikipagtulungan ng Divine Renovation Ministry, Alpha Asia Pacific – Catholic Context, at CBCP Episcopal Commission on Mission at Clergy.