4,030 total views
Ibinahagi ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias na higit naipamalas ng mga Pilipinong kabataan ang mayamang kultura ng bansa sa ginanap na World Youth Day sa Lisbon Portugal.
Ayon sa Obispo, naisabuhay ng mga kabataan ang pagiging misyonero sa pamamagitan ng kanilang talento at pakikipag-ugnayan sa kapwa kabataan mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig “The Pinoy presence is always felt by others by our faith, our smile, and our music,” mensahe ni Bishop Tobias sa Radio Veritas.
Sinabi ng obispo na isang magandang tagpo ang pakikiisa ng Filipino youth pilgrim sa pandaigdigang pagtitipon dahil naibabahagi ang mayabong na pananampalatayang kristiyano ng Pilipinas na ikatlo sa mga bansang may pinakamalaking bilang ng mga katoliko.
Una nang hiniling ng Santo Papa Francisco sa mga kapwa pastol ng simbahan na paigtingin ang paggabay sa kawang pinangangalagaan lalo na ang kabataan na maging kinabukasan ng pamayanan at simbahang katolika.
Sa katatapos na WYD sa Lisbon dumalo ang may isa punto limang milyong kabataan sa closing mass na pinangunahan ni Pope Francis kabilang na ang dalawang libong Pilipio.
Isa naman si Bishop Tobias sa pitong Pilipinong obispo na nakiisa sa pagdiriwang habang ito ang kanyang ikasampung pagdalo sa World Youth Day mula nang pinasimulan ni St.John Paul II sa Roma noong 1985.
Patuloy na humiling ng panalangin si Bishop Tobias para sa mga kabataan na higit mahubog ang espiritwalidad tungo sa maigting na misyong ibahagi si Hesus sa buong pamayanan.