32,837 total views
Iginiit ng Vatican Dicastery for the Doctrine of Faith na ipinagbabawal para sa mga Katoliko ang pakikisangkot at pagiging miyembro ng Freemason.
Ito ang naging tugon ng dicastery kay Dumaguete Bishop Julito Cortes matapos magpadala ng liham upang bigyang-pansin at tugunan ang patuloy na pagdami ng mga lumalahok sa masonry sa diyosesis, at sa buong Pilipinas.
Ayon kay Dicastery of Faith Prefect Cardinal Victor Manuel Fernandez, ipinagbabawal sa mga Katoliko ang pakikibahagi sa Masonry dahil hindi naaayon sa mga katuruan ng simbahan ang mga prinsipyo nito.
“On the doctrinal level, it should be remembered that active membership in Freemasonry by a member of the faithful is forbidden because of the irreconcilability between Catholic doctrine and Freemasonry.” pahayag ni Cardinal Fernandez sa inilabas na liham.
Nilinaw naman ng dicastery ang kahalagahan ng pakikibahagi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para makalikha ng plano at pamamaraan upang maayos na matugunan ang usapin.
Iminungkahi rin nito sa CBCP na magsagawa ng katesismo sa mga parokya upang higit na maipaliwanag sa mananampalataya ang kaibahan at hindi pagkakasundo sa pagitan ng pananampalatayang Katoliko at Freemasonry.
“The Philippine Bishops are invited to consider whether they should make a public pronouncement on the matter.” saad ng dicastery.
Ipinagbawal sa mga katoliko ang pakikilahok sa masonry mula nang ilabas ni Pope Clement XII ang decree “In Eminenti” noong 1738.
Batay naman sa 1917 Code of Canon law, ang sinumang maging bahagi ng Masonic lodge ay papatawan ng ‘excommunication’ o ititiwalag sa pananampalatayang Katoliko.
Muli namang pinagtibay ng Vatican noong 1983 na ang pagiging miyembro ng Masonic association ay matinding kasalanan, at hindi maaaring makatanggap ng Banal na Pakikinabang.
Sa nakalipas na tatlong taon, nakapaglabas na ng tatlong pahayag ang CBCP upang bigyang-pansin ang usapin, ito ay ang “Pastoral guidelines in dealing with individual Catholics – members of Masonry” na unang inilabas noong Pebrero 2020 at binago nitong Setyembre 2023; gayundin ang “A clarification on the CBCP’s position on Freemasonry and a note on Canon 1374 of the CIC na inilathala noong Pebrero 2023.
Sa kasaysayan naman ng Pilipinas, tinalikuran nina Dr. Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, at Manuel L. Quezon ang pagiging bahagi ng freemasonry, at muling niyakap ang pananampalatayang katoliko